321 total views
Inaanyayahan ng Couples For Christ ang mamamayan sa gagawing World Rosary for Love and Healing (WRLH) para sa natatanging intensyon lalo ngayong nahaharap sa krisis pangkalusugan ang buong daigdig.
Ito ay isasagawa online at pangungunahan ng iba’t ibang mga bansa kung saan may misyon ang CFC.
“The Couples for Christ (CFC) is inviting all Catholics to participate in the World Rosary for Love and Healing (WRLH) which will be streamed on social media. Each of the nine days of prayer will be hosted by a chosen country and will be devoted to a particular intention,” bahagi ng pahayag ng CFC.
Ito ay bahagi ng pagdiriwang ng ika – 40 anibersaryo ng Catholic renewal community sa Hunyo 26, 2021.
Taong 1981 nang magsimula ang CFC na binubuo ng 16 na mag-asawa na dumalo sa seminar na pinagasiwaan ng Ligaya ng Panginoon, charismatic community.
Sa kasalukuyan, libu-libong lay missionaries na ng CFC ang nagsasagawa ng misyon sa 122 mga bansa at kinilala ng Vatican sa pamamagitan ng Pontifical Right bilang private international association of the lay faithful.
Naniniwala ang CFC na malaki ang maitutulong ng pananalangin lalo na ang pagdulog sa Mahal na Birhen upang matapos na ang pandemyang kinakaharap ng daigdig at iba’t ibang suliranin.
“CFC believes that a world united in prayer helps fill the world with love and renew the face of the earth,” ani ng grupo.
Magsisimula ang 9-day World Rosary for Love and Healing sa June 17 sa Pilipinas ganap na alas tres ng hapon para sa intensyon ng kagalingan mula sa COVID-19 at proteksyon sa mga frontliners at magtatapos sa June 25 na pangungunahan naman ng Canada.
Ilan pa sa mga gawain ng CFC sa paggunitan ng ikaapat na dekadang pagmimisyon ang online LiveLoud concert sa June 19 at ang taunang Clergy-Lay Congress sa June 24 kung saan pangunahing tagapagsalita si Cardinal Kevin Joseph Farrell, ang Prefect ng Dicastery for the Laity, Family and Life.
Sa June 26 pangungunahan naman ni Cardinal Luis Antonio Tagle, Prefect ng Congregation for the Evangelizations of Peoples ang Banal na Misa ganap na alas kuwatro ng hapon na mapapanuod sa mga official social media platform ng CFC sa buong daigdig.
Tiniyak ng CFC na paiigtingin pa ang pagmimisyon nito bilang katuwang ng simbahan sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita ng Panginoon at pagpapalago sa bunga ng pananampalatayang kristiyano na tinanggap ng mga Filipino 500 taon ang nakalilipas.
“In the next 40 years, CFC hopes to reach more people, serve more people, and stay relevant to the next generations of Christians,” giit ng CFC.