620 total views
Pinapahirapan pa rin ng mga nakalipas at kasalukuyang administrasyon ang mga Pilipino dahil sa mga utang at ninakaw sa kaban ng bayan na patuloy na binabayaran ng bawat mamamayan.
Ito ang isa sa mga pagninilay ni Apostolic Vicariate of Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo sa ikapitong linggo ng karaniwang araw.
“Ang resulta ng mga kasamaan noon ay patuloy pa rin ngayon at marami pa ang nagdurusa dahil dito. Marami pa ang mga ninakaw noon na ngayon ay hindi pa naibabalik sa taumbayan at binabayaran pa ng buwis ng mga tao.” ayon pa kay Bishop Pabillo.
Binigyan-diin ng Obispo na hindi katuruan at layunin ng Diyos ang mga adbokasiyang isinusulong ng mga kumakandidato sa national position ngayong halalan.
Ito ay dahil sa kanilang pagsusulong ng paglimot sa mga kasalanang nagawa ng mga nagdaan at kasalukuyang administrasyon tulad ng martial law at madugong war on drugs.
“Kaya sa mga nagsasabi na magkaisa na lang tayo at huwag nang pansinin ang nakaraan, sinasabi natin na ang Diyos natin ay mahabagin at makatarungan. Mapapatawad natin ang nakaraan kung inaamin nila na mali ang kanilang ginawa noong martial law, na mali ang pagpapapatay sa tao sa ngalan ng war on drugs,” ani Bishop Pabillo.
Ayon pa sa Obispo, nananatiling mali ang pagbabansag sa ilang mga grupo at samahan bilang “rebelde” at sapilitang pagkukulong sa kanila ng hindi dumadaaan sa tamang proseso at kakulangan ng ebidensya.
“Mali ang pagbibintang sa mga tao na sila ay rebelde at pagpapakulong sa kanila sa gawa-gawang mga kaso. At hanggang ngayon marami pa ang nakakulong dahil lang sa pagbibintang na wala namang katotohanan,” ayon pa sa Obispo.
Pagpapabatid ni Bishop Pabillo na iginagawad ng Diyos ang pagpapatawad para sa mga taong humihingi ng paumanhin at tunay na nagsisi sa kanilang mga kasalanan.
“Ang pagpapatawad ay may bisa kung inaamin ng pinatatawad ang kanyang kasalanan. Hindi mapapasakanya ang patawad kung hindi naman niya inaamin na may kasalanan siya,” ayon sa pagninilay ng Obispo.