435 total views
Hinikayat ng isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang mamamayan na isama sa pananalangin ang kaligtasan, kapayapaan at kaayusan ng sitwasyon sa bansang Afghanistan.
Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos – Vice Chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People, mahalaga ang pananalangin para sa kapakanan ng kapwa lalo na sa gitna ng kawalan ng katiyakan na dulot ng kaguluhan at karahasan.
Ipinaliwanag ng Obispo na siya ring Pangulo ng International Catholic Migration Commission -Asia-Ocenia Working Group na ang pananalangin ay isang epektibong paraan ng pagsusumamo sa Panginoon upang gabayan at protektahan ang kapwa at manaig ang kapayapaan at pagkakaisa sa kabila ng iba’t ibang paniniwala at pananampalataya.
“It is very difficult and uncertain time. We resort to prayers and hope for human goodwill that there will be respect of religion and promotion of lives. Let us pray for God’s mercy that all will work for peace. Common good will reign. All avoid violence and no one resort to vengeance.” pahayag ni Bishop Santos sa panayam sa Radio Veritas.
Nagpahayag rin ng suporta ang Obispo sa agarang pagtugon ng Department of Foreign Affairs (DFA) upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga Overseas Filipino Workers sa Afghanistan sa pamamagitan ng pagtataas ng Alert Level 4 sa bansa at pagpapatupad ng mandatory evacuation.
Ibinahagi naman ni Bishop Santos na inatasan na rin ang lahat ng mga overseas chaplains sa iba’t ibang bansa na mag-alay ng panalangin at banal na misa para pagkakaroon ng mapayapang sitwasyon sa Afghanistan.
“For safety and security of our OFWs, repatriation is best and urgent step. And we support and appreciate this good effort of DFA and DOLE government officials. We have asked our overseas chaplains to offer their Holy Masses that there will peaceful solution, end to civil strife and all work for harmonious future.” Dagdag pa ni Bishop Santos.
Matapos na itinaas ng DFA ang Alert Level 4 na pinakamataas na security warning na inilalabas ng Pilipinas sa mga bansang may sagupaan tulad ng Afghanistan ay agad na ipinag-utos ng ahensya ang mandatory evacuation ng lahat ng nasa 130 mga Pilipino sa nasabing bansa.
Ito ay matapos na muling ma-control ng militanteng Taliban ang malaking bahagi ng Afghanistan kabilang na ang presidential palace.