408 total views
Hinihimok ni Tagbilaran Bishop Alberto Uy ang mga mananampalataya na makibahagi sa pagdiriwang ng Season of Creation ngayong taon.
Ayon kay Bishop Uy, ang Season of Creation ay panahon upang hikayatin ang bawat isa na pakinggan ang panawagan ng kalikasan at mga katutubong biktima ng mga negatibong epekto ng gawain ng tao.
Hinihikayat din ng Obispo ang bawat isa na ipanalangin ang kaligtasan ng mga likas na yamang nilikha ng Diyos gayundin ang sangkatauhang naatasang maging katiwala ng inang kalikasan.
“In this Season of Creation, we pray that You would call to us, as from the burning bush, with the sustaining fire of Your Spirit. Breathe upon us. Open our ears and move our hearts. Turn us from our inward gaze. Teach us to contemplate Your creation, and listen for the voice of each creature declaring Your glory.” For “faith comes from hearing,” bahagi ng panalangin ni Bishop Uy para sa Season of Creation.
Samantala, maglulunsad naman ng programa ang Diyosesis ng Tagbilaran sa September 4 bilang pakikibahagi sa panahon ng paglikha sa pangunguna ng Saint Peter the Apostle Parish – Diocesan Shrine of Nuestra Señora de Guadalupe de Extremadura sa Loboc, Bohol.
Nakapaloob sa programa ang pagtatanim ng mga punongkahoy sa bahagi ng Birhen sa Guadalupe Hill sa Gon-ob; information drive hinggil sa pagsusulong sa organic farming at zero waste management; at ang paglagda sa commitment wall bilang simbolo ng pangako ng pangangalaga sa ating nag-iisang tahanan.
Tema ng Season of Creation ngayong taon ang Listen to the Voice of Creation, na ipagdiriwang mula unang araw ng Setyembre hanggang ikaapat ng Oktubre, kapistahan ni San Francisco de Asis, ang patron ng kalikasan.