65,539 total views
Mga Kapanalig, ulan at baha ang sumalubong sa atin sa pagpasok ng buwan ng Setyembre.
Habang isinusulat natin ang editoryal na ito, labinlimang kababayan natin ang iniwang patay ng Bagyong Enteng. Marami sa kanila ay namatay sa landslide o nalunod sa rumaragasang baha. Hindi bababà sa 20 ang patuloy pa ring hinahanap. Tinahak ng bagyo at ng hinatak nitong hanging habagat ang maraming lugar sa Visayas hanggang Hilagang Luzon. Nag-iwan ito ng malawakang pagbaha sa Bicol at Metro Manila, at kahit sa matataas na lugar sa Rizal. Isang buwan pa lang mula nang manalasa ang Bagyong Carina at ang ulang dala ng habagat na pinaigting ng bagyong iyon, heto at naglimas na naman ang marami nating kababayan ng dumi at putik na iniwan ng bahang dala ng Bagyong Enteng.
Narinig din natin ulit ang mga salitang “whole-of-government approach” sa pagtugon ng pamahalaan sa mga iniwang pinsala ng bago. Ibig sabihin lang nito, dapat kumilos nang sabay-sabay ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno—mula sa mga nagre-rescue at naglilinis sa pinsalang iniwan ng pagbaha at pagguho ng lupa hanggang sa mga naghahatid ng tulong sa mga kinailangang lumikas at mag-evacuate sa mga paaralan. Pero walang bigat ang mga terminong ito kung wala naman tayong nakikitang pangmatagalang solusyon sa mga problema pagkatapos manalasa ng isang bagyo.
Sa briefing na pinangunahan ni Pangulong BBM, bakas sa kanyang pananalita ang tila pagkapagod sa ginagawa ng gobyerno tuwing may sakuna at kalamidad. “Same pattern” na lamang daw. Una, magsasagawa ng rescue at maglilinis ng mga daanan para marating ang mga kailangang sagipin o hatiran ng tulong. Susundan ito ng pagbibigay ng relief at iba pang ayuda sa mga apektadong pamilya. Pagkatapos, kapag tuluyan nang umalis ang bagyo at gumanda ang panahon, tutugunan naman ang pangangailangan ng mga kababayan nating nasira ang kabuhayan.
Tiyak na mas napapagod ang mga kababayan nating paulit-ulit na lang na nakararanas ng pagbaha, lalo na iyong mga lumilikas at iniiwan pansamantala ang kanilang bahay kapag tumataas ang tubig sa kanilang lugar. Sa mga kababayan nating nasa mga dalampasigan, lalo na ang mahihirap, paulit-ulit na lang din silang nagtatayo ng kanilang barong-barong matapos patumbahin ang mga ito ng malakas na hangin. Malaki ang pasasalamat nila kapag may dumating na relief goods mula sa gobyerno at mga may mabubuting kalooban, pero hindi sana matapos dito ang pagtugon sa kanilang kalagayan kapag may kalamidad.
Mas makatutulong ang mabilis na pagtatayo ng mga flood control projects, lalo na sa mga lugar na malapit sa ilog. Malaking bagay din ang pagbibigay sa mga maralitang pamilya ng permanente at ligtas na tirahan, basta’t malapit ito sa kanilang hanapbuhay. Kung wala pa ang mga pabahay na ito, malalaki at komportableng evacuation centers na may tubig at kuryente ang pwedeng ipatayo.
Kailangan ding palakasin ang kultura ng paghahanda nating mga Pilipino dahil lagi tayong dinadaanan ng mga bagyo. Pero sa tindi ng pinsala ng mga nangyayaring kalamidad, hindi sapat ang pagbabago lamang sa ating mga nakasanayan. Dapat na mabilis at malinis na gamitin ng gobyerno ang pondo o resources nito para sa kaligtasan ng mga tao. Bahagi ito ng tungkulin nitong tiyakin ang tinatawag natin sa mga panlipunang turo ng Simbahan na common good o ang kabutihang panlahat.
Mga Kapanalig, hindi pa tapos ang panahon ng tag-ulan, ngunit kailan kaya maiibsan ang perwisyong hatid hindi lamang ng mga bagyo at baha kundi pati ng kakulangan ng aksyon ng gobyerno? “Kailangang gawin… ang mga [dapat gawin] habang may araw pa,” paalala nga sa Juan 9:4. Ang makahulugang whole-of-government approach ay maagap at nagbibigay ng pangmatagalang solusyon.
Sumainyo ang katotohanan.