349 total views
Nagpasalamat ang Diyosesis ng Tagbilaran sa Panginoon at sa mga sektor na tumulong sa pagsasaayos ng mga Simabahan ng Bohol na nasira nang yanigin ng 7.2 magnitude na lindol ang lalawigan 6 na taon ang nakalipas.
Ayon kay Bishop Alberto Uy mahalaga ang pagtutulungan ng bawat mamamayan sa ikabubuti ng bawat isa lalo na ang pagsasaayos ng mga simbahan.
“We are very grateful to God for having helped us sa restoration process sa ating mga Simbahan damaged by the 7.2 magnitude earthquake in 2013,” pahayag ni Bishop Uy sa Radio Veritas.
Binanggit ng Obispo ang tulong at suporta mula sa national government sa pangunguna ng National Historical Commission of the Philippines at National Museum dahil karamihan sa mga nasirang simbahan ay kabilang sa mga idineklarang heritage church ng bansa.
“God has continued to support us by providing us good people and the government also who supports us in the restoration process of our churches,” ani ni Bishop Uy.
Sa pahayag ng Obispo nagpapatuloy pa rin ang restoration sa ilang mga Simbahan na labis ang pagkasira dulot ng lindol tulad ng Our Lady of Light Parish sa Loon, San Vicente Ferrer Parish sa Maribojoc, Santo Niño Parish sa Cortes, at ang century old na San Pedro Apostol Parish sa Loboc na binibisita ng mga turista dayuhan man o lokal.
Ilan sa mga Simbahan na muling binuksan at nagamit ng mga mananampalataya ang St. Isidore Parish sa Tubigon, Assumption of Our Lady Parish – Dauis, St. Nicholas Parish – Dimiao, ang kilalang Baclayon Church – Our Lady of the Immaculate Concpetion Parish, Holy Trinity Parish – Loay, St. Vincent Parish – Calape, St. James Parish – Batuan, Sta. Monica Parish – Alburquerque, St. Augustine – Panglao, St. Michael Parish – Clarin.
Ayon pa kay Bishop Uy na ang St. Michael Parish sa Clarin Bohol naisaayos sa tulong ng United States Conference of Catholic Bishops.
Ibinahagi pa ni Bishop Uy na tiniyak ng mga contractor sa nalalabing mga Simbahan na matatapos ang restoration process sa susunod na dalawang taon at muling magamit ng mananampalataya ang mga Simbahan.
Ika-15 ng Oktubre 2013 nang yanigin ang Central Visayas ng malakas na lindol partikular Bohol kung saan batay sa tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council umabot sa 200 katao ang nasawi, halos 1 libo ang nasugatan habang higit sa 2 bilyong pisong ari-arian naman ang nasira.
Inihayag ni Bishop Uy na ang naganap na lindol ay isang paalala sa bawat mananampalataya na ang lahat ng bagay sa mundo ay pansamantala lamang at maaring bawiin ng Panginoon kaya’t hindi dapat nagmamalaki ang tao sa Diyos kundi manatiling mapagpakumbaba sa lahat ng panahon.
“So as human as we are we don’t have a reason to be proud of, but then again we are made to feel na we are special by God because we are his children and he is always there to support us,” giit ng Obispo.
Binigyang pansin din ni Bishop Uy ang natapos nang programa ng Diyosesis na Bohol Rehabilitation & Rebuilding Project na pinangunahan noon ni Fr. Valentino Pinlac kung saan halos 500 mga bahay ang naipatayo para sa mga biktima ng lindol.
Sa tulong ng Italian Bishops Conference, bukod sa proyektong pabahay, gumawa rin ng mga programa ang BRRP para sa pagpapalalim ng kamalayan ng mamamayan sa bawat usaping panlipunan na nakakaapekto sa mga Boholano tulad ng epekto ng kalamidad.
Natapos ang 5-year program na BRRP sa pagtutulungan ng Diyosesis, pribado at pampublikong sektor at institusyon.