12,158 total views
Homiliya para sa Bihilya sa Kapistahan ni “San Antonio de Padua,” Miyerkoles sa Ikasampung Linggo ng Karaniwang Panahon, 12 Hunyo 2024, Mat 5, 17-19
Salamat sa Marian pilgrimage ng Kaparian ng Kalookan, bukod sa dalaw namin sa lugar na pinangyarihan ng aparisyon ng Birhen sa Fatima, nakadalaw din kami sa bayan ng ating Mahal na Patron na kilala natin bilang San Antonio de Padua. Hindi pala siya taga-Padua sa Italia; taga-Lisbon pala siya, ang capital ng Portugal. Si Pope Francis nga mismo ang tumawag pansin tungkol sa tunay na nationality niya, at nagtama sa maling akala ng marami na siya ay Italiano; Portugues pala siya. Pero totoong doon sa Padua siya sumikat at nakilala nang husto dahil sa pangangaral niya kay Kristo, na napakatindi ng naging epekto sa mga nakarinig sa kanya.
“Patron saint of the Lost” ang turing sa kanya ng mga Katoliko. Sa Tagalog, maraming posibleng translation para sa LOST: pwedeng NAWAWALA, pwedeng NAGWAWALA, at pwede ring NAWAWALAN (lost things, lost people, and losers). At totoong marami daw natulungan si San Antonio sa mga taong nakaranas ng PAGKAWALA, PAGWAWALA, AT PAGKAWALAN.
Noong huling biyahe ko sa Amerika, pauwi na sana ako Pilipinas, sakay ng kotse ng bunso kong kapatid para ihatid sa airport ng Los Angeles nang maisip kong kapain ang suot kong jacket at mapansin na wala sa bulsa ang aking passport. Namutla ako at nagpanic kaagad. Napansin ng kapatid ko. “Passport mo?” tanong niya. Sabi ko, “Dito ko lang nilalagay sa bulsa ng jacket ko. Pero ngayon wala dito. Di kaya nahulog?” Napatingin siya sa akin. Sabi niya, “Isipin mong mabuti kung saan mo huling inilagay, baka na-misplace mo lang.” Pagdating sa parking ng airport binulatlat ko lahat, wala talaga. Pumunta ako sa booking desk at sinabing palipad sana ako sa flight na iyon pero lost ang passport ko. Advice nila: punta daw ako sa Consulate sa LA, ireport agad ang lost passport at humingi ng termporary travel document at ire-rebook nila ang ticket ko.
Siyempre, hindi ako nakasakay. Bumalik kami sa bahay, hanap nang hanap kung saan saan. Wala talaga. Dumating ang ate ko, siya naman ang tumulong para makapasok ng trabaho si bunso at makapunta kami sa Consulate. Habang daan, sa kotse, nagdasal ako sa Panginoon at humingi ng tulong kay San Antonio. Matapos makapagdasal, sabi ko kay ate, “Dito ko lang naman sa bulsa ng jacket kong pambiyahe laging nilalagay ang passport ko. Baka nahulog sa airport doon pa sa Orlando na pinanggalingan ko. Kasi nainitan ako bago pa ako sumakay doon, kaya hinubad ko muna ang jacket ko at isinuot ko lang ulit pagdating sa LA, noong sunduin mo ako.” Sabi ni ate, “Teka, Americana ang suot mo noong dumating ka, hindi jacket. Sabi ko pa nga, ang formal ng itsura mo.” Sabi ko, “A, oo nga. Kasi dumiretso na agad ako sa airport pagkatapos ng Conference at nasa lobby na ang bagahe ko, kaya mula sa Orlando, hindi jacket kundi Americana ang suot ko.” At noon lang bumalik ang sandaling nawala sa alaala ko: inilipat ko pala ang passport ko mula sa bulsa ng jacket at nilagay sa bulsa ng Americana na suot ko pagdating sa LA at isinabit sa coat closet sa bahay ni bunso, at nakalimutan kong isama sa inimpake ko, dahil ngayon jacket na ang suot ko.
Tawag agad ako sa bahay ng bunsong kapatid, nandun ang anak niya, “Hi Reece, would you kindly check if my black suit is inside your closet next to the entrance door, and if my passport is in its pocket?” Di niya binitawan ang cellphone, “Yes, Tito Ambo, your black suit is here. Yes, your passport is in its left pocket.” Ay salamat, San Antonio! Ano ang nawala na tinulungan niya akong matagpuan? Ang focus o composure ko. Inalis muna ang panic o pangamba para maibalik sa alaala ko ang naiwan na Americana. Hindi pala passport ang pananadaliang nawala kundi memory, alaala.
Madalas mangyari ang ganoon sa atin. Ganyan sa ating first reading. Parang nawala na sa alaala ng Israel ang kanilang Diyos na si Yahweh. Dahil sa takot nila sa hari na sunud-sunuran kay Reyna Jezebel na sumasamba sa Diyos-diyosan na si Baal. Dahil pinapatay ni Jezebel ang lahat ng propeta at wala nang natira kundi si Elias, at ang ipinalit ay mga bulaang propeta ni Baal. Kung ano-ano pang gimmick ang ginawa ng mga propeta ni Baal pero walang epekto; nahibang lang sila at lalong nawala sa sarili pero walang Diyos na tumanggap sa mga alay nila. Si Elias, tumahimik lang at nanalangin; sapat na iyon para sumiklab ang apoy mula sa langit at upang mawala rin ang pagkahibang ng bayang Israel at matagpuan nilang muli ang Diyos na tinalikuran nila.
Sa ebanghelyo, ito rin ang punto ni Hesus. Hindi daw siya dumating para pawalan ng bisa ang batas kundi para tuparin ito. Wala nang natira kundi letra ng batas na hindi na nagpapalaya; naging parang pabigat na lang ito sa buhay nila. Ang tunay na nawala na siyang mas importante ay ang DIWA NG BATAS. Ito rin sana ang maging panalangin natin para sa mga mambabatas ng ating bansa ngayong pinagtatalunan nila ang Absolute Divorce Bill. Madali lang naman ang gumawa ng batas, pero kapag diwa ang nakalimutan, kahit batas ay pwedeng maging sagabal o hadlang imbes na maging tulog para ikabubuti ng nakararami. Si San Antonio naman ay natuto lang sa tunay Panginoon na tumutulong sa mga nawawalan, humahanap sa mga nawawala, at umaalalay sa mga nagwawala.