4,643 total views
Tiniyak ng pamunuan ng San Isidro Labrador Parish – Makiling na gagampanan ang tungkuling ipalaganap ang debosyon ni San Isidro Labrador sa pamayanan.
Ayon kay Fr. Francis Eugene Fadul, Kura Paroko ng parokya na kaakibat ng pagtanggap sa first class relic ng santo ang responsibilidad na ibahagi ito sa pamayanan upang makatulong sa pagpalago ng pananampalataya ng mamamayan.
Kabilang sa mga gagawin ng parokya ang pagbahagi ng buhay ni San Isidro upang higit makilala ang santo at maging huwaran sa pamayanan.
“Receiveing this relic, we also have the responsibility of sharing the devotion, nung nabasa ko ang kanyang buhay yun ang mga nakita ko na si San Isidro is a model of a faithful Christian; He is a model of lay empowerment kahit layko may magagawa ka sa simbahan.” pahayag ni Fr. Fadul sa Radio Veritas.
Matatandaang isa ang parokya ni Fr. Fadul sa dalawang simbahan sa Pilipinas na pinagkalooban ng first class relic ng santo mula sa Real Colegiata Iglesia de San Isidro sa Madrid Spain.
Sinabi ng Pari na bukod sa pagbabasbas ng mga ani na nakagawian sa pista ng santo tuwing May 15 ay pagyayabungin din ng parokya ang kawanggawa sa mga mahihirap at mga manggagawa kasabay ng katesismo tungkol sa mga gawain ni San Isidro Labrador.
“It is now our mission to help these workers and to share with them yung virtues ni San Isidro na hindi lang kayo nagtatrabaho para mabusog ang tiyan kundi yang pagtatrabaho nyo is also a means to become holy.” ani Fr. Fadul.
Ikinagalak ng pari na mapabilang ang parokya sa pinagkalooban ng relikya lalo’t naghahanda ito sa ika – 25 anibersaryo ng pagkatatag sa 2025.
Nagsagawa ng triduo ang parokya para sa mahalagang pagdiriwang ng simbahan na sinimulan noong 2022 kung saan nakabatay ang tema sa tatlong misyon ni Hesus: Pari, Hari at Propeta.
Makabuluhan ang pagdiriwang ng anibersaryo ng parokya lalo’t kasabay ito sa Jubilee Year ng simbahang katolika o ang Year of Hope.
Si San Isidro Labrador ay pumanaw noong November 30, 1172 at naging ganap na santo ng simbahan noong March 12, 1622 kasama nina San Ignacio de Loyola, San Francisco Javier, Santa Teresa ng Avila at San Felipe Neri.