1,344 total views
Inihayag ni Cebu Auxiliary Bishop Midyphil Billones na nakahandang tumulong si San Jose sa mananampalataya lalo na sa mga may pinagdadaanan.
Ito ang pagninilay ng obispo sa kapistahan ng National Shrine of St. Joseph sa Mandaue City Cebu nitong May 8.
Sinabi ni Bishop Billones na ipinagkatiwala ng Panginoon sa pagkakandili ni San Jose bilang Ama ang pangangalaga sa kawan.
Batid ng obispo na maraming kinakaharap ang tao sa paglalakbay ng buhay lalo na sa kasalukuyang panahon.
“Snr. San Jose is entrusted with the mission to be our foster father. He will run to our side when we are tempted to help us be strong and overcome them. He will run to our side to empower and and inspire us. He will run to our side to help us finish our mission and what we need to do when we are at the point of giving up,” bahagi ng pagninilay ni Bishop Billones.
Saad ni Bishop Billones na tulad ng pagtugon ni San Jose sa tawag ng Panginoon na maging ama ni Hesus sa sanlibutan ay tinutugunan din nito ang hamong kalingain ang sangkatauhan tungo sa landas ni Hesus.
Ang obispo ang kasalukuyang Team Ministry Moderator sa Pambansang Dambana ni San Jose sa Cebu City kung saan patuloy nitong pinalalago ang debosyon kay San Jose para sa mga ama at manggagawang nagsusumikap para sa kanilang mga pamilya.
Noong 1870 ay itinalaga ni Blessed Pius IX si San Jose bilang patron ng Universal Church kung saan noong 2020 hanggang 2021 ay ipinagdiwang ng simbahang katolika ang ika – 150 anibersaryo ng deklarasyon.