1,638 total views
Pormal nang idineklarang National Cultural Treasure ng National Museum of the Philippines (NMP) ang Church Complex ng San Vicente Ferrer Parish sa Calape,Bohol.
Ayon kay Tagbilaran Bishop Alberto Uy, bukod sa natatanging kahalagahang arkitektural ng simbahan mahalaga rin ito sa buhay pananampalataya ng mamamayang nasasakop ng parokya at sa buong lalawigan.
“A prime example of a gothic architectural style, the church complex not only stands as a distinct cultural landmark of our beloved province but a testament to our enduring faith continuously fostering a unique identity and solidarity for our people,” bahagi ng pahayag ni Bishop Uy.
Ang simbahan at bayan ng Calape ay pawang nakatalaga kay San Vicente Ferrer bilang patron at naitatag noong 1802 kung saan ang simbahan ay Gothic-Inspired.
Pinamahalaan ng mga misyonerong Augustinian Recollects ang simbahan hanggang 1898 bago nai-turn over sa secula priest.
Mula sa pagiging simbahang gawa sa light materials sinimulan noong 1933 ang pagtayo sa neogothic style na simbahan at natapos noong 1954.
Dahil sa natatanging disenyong pinanatili hanggang sa kasalukuyan ay tinagurian itong ‘epitome of Bohol Gothic’ na makikita sa loob ng simbahan lalo na sa altar at kumpisalan.
Batay sa kasaysayan pinangunahan nina Eliseo Josol at Rosalio Real ang pagtayo ng Calape Church batay sa disenyo nh Santo Domingo Church sa Intramuros.
Nakalagak din sa bell tower ng simbahan ang makasaysayang kampana noong 1690 na nakatalaga kay St. John the Baptist mula sa isang simbahan noon sa Cebu.
Ginanap ang official turnover ng marker noong May 9 kasabay ng pagdiriwang ng bisperas sa kapistahan ng parokya.
Dumalo sa seremonya si Bishop Uy kasama si Fr. Johnson Inte ang kura paroko ng parokya, Fr. Nilo Pana ang parochial vicar, Calape Mayor Julilus Caesar Herrera, Rachelle Lacea ng NMP-Bohol.
Pinasalamatan ng obispo ang lahat ng nagtulong-tulong sa pagkilalang natanggap lalo na kay Fr. Milan Ted Torralba ang Chairperson ng Commission on Cultural Heritage, Diocese of Tagbilaran at kasapi ng NMP Panel of Experts.
Ito na ang ikasiyam na simbahan sa Bohol na kinilalang National Cultural Treasure bukod pa sa mga simbahang kinilalang National Historical Landmark at Important Cultural Property.