232 total views
Tiniyak ng Sangguniang Layko ng Pilipinas na magbabantay laban sa mga panukalang batas na isusulong ng mga bagong halal na mambabatas sa mataas at mababang kapulungan.
Ayon kay Dr. Marita Wasan, pangulo ng Sangguniang Layko ng Pilipinas, hindi magtatapos sa halalan ang pagbabantay lalo na sa mga death, anti-poor at anti-family bills na matagal nang tinutulan ng simbahan.
Iginiit ni Wasan na hindi matitinag bagkus ay muling kikilos ang simbahan para ipaglaban ang mga batas na hindi sang-ayon sa turo ng simbahang katolika kabilang na ang usapin ng death bills kabilang na ang death penalty, aborsyon at same sex marriage.
“With that kind of stand ang simbahan katoliko ay hindi matitinag at muling kikilos para ipaglaban ang mga batas na lilikhain nila which is address to the family kasi para sa atin mahalaga ang pamilya, mahalga ang bawat isa,” ayon kay Wasan sa panayam ng Radio Veritas.
Sa pagpapatuloy ng partial unofficial count ng Board of Canvassers nanatiling nangunguna sa Magic 12 ang mga kandidato ng administrasyon kabilang na si dating PNP chief Ronald Dela Rosa na pabor sa death penalty.
“Ang mga batas na kanilang ihahain ngayon ay dapat nating suriin lalu na ng mga katoliko. Tama kayo dapat ang mga katoliko ay nakikilahok sa mga usapin. Bawat buhay ay mahalaga, may dignidad at dapat na ipaglaban lalu na ang walang kalaban-laban,” ayon kay Wasan.
Una na ring nanawagan si Rodolfo Diamante, executive secretary ng CBCP-Episcopal Commission on Prison Pastoral Care sa mga bagong mahahalal na mga mambabatas na isantabi na ang panukalang parusang bitay.
Giit pa ni Diamante ang panukala ay paglabag sa kasagraduhan ng buhay, sa mga mahihirap at magsusulong lamang ng kultura ng karahasan.