327 total views
Asahan ang mas malaki at sunod-sunod na pagtitipon ng iba’t-ibang grupo sa oras na hindi baliktarin ng mga mahistrado ng Mataas na Hukuman ang kanilang desisyon hinggil sa ‘Quo Warranto Petition’ kaugnay sa motion for reconsideration na isinumite ni dating Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ito ang tiniyak ni Marita Wasan, pangulo ng Sangguniang Layko ng Pilipinas sa ginanap na indignation rally sa tapat ng Supreme Court sa Padre Faura kasabay ng pag-aantabay sa resulta ng MR.
Iginiit ni Wasan na hindi dapat magpatalsik ng isang impeachable official sa pamamagitan ng ‘quo warranto’ na base sa Saligang Batas ay sa pamamagitan lamang ng ‘impeachment’.
“Ang lahat ng mga opisyales ng ating gobyerno ay maaring patalsikin ng dahil lamang sa kagustuhan ng makapangyarihan, ng pangulong Duterte?” ayon kay Wasan.
Naniniwala rin si Wasan sakaling hindi paboran ang ‘Motion for Reconsideration’ ni Sereno ay nangangahulugan lamang ito ng pagsisimula ng pagyurak at pagsasaula sa Saligang Batas na dapat ang mga mahistrado ang unang-unang gumagalang.
Nanawagan din si Wasan sa sambayanan na makiisa sa ipinaglalabang katarungan bilang pagmamahal sa ating bayan at gumawa ng paraan na alamin ang mga usapin para sa pagsusuri ng katotohanan.
“Tinatapakan na po ang ating karapatan, tinatapakan ang katarungan, katotohanan na dapat sana ay ating sabay-sabay, magkaisa na labanan.” ayon kay Wasan.
Matatandaan na napatalsik sa posisyon si Sereno sa pamamagitan ng ‘quo warranto’ na isinumite ni Solicitor General Calida dahil sa hindi pagdedeklara ng kaniyang mga pag-aari.
Nakasaad sa Art. XI Sec. 2 ng Saligang Batas na ang mga ‘Impeachable officers (Pangulo, Pangalawang Pangulo, mga Mahistrado ng Korte Suprema, Ombudsman at iba pang mga kagawad ng mga Komisyong Konstitusyunal) ay maari lamang patalsikin sa pamamagitan ng impeachment.
Habang ang ‘Quo Warranto’ ay isang proseso na itinalaga ng Supreme Court kung saan ang isang pampublikong opisyal ay uusisain sa hinahawakang posisyon dahil may pagdududa sa kaniyang kakayahan na naaangkop sa lahat ng mga pampublikong kawani at opisyal ng pamahalaan maliban sa mga impeachables officials.