312 total views
July 6, 2020, 2:16PM
Nagpaabot ng pasasalamat ang Sangguniang Laiko ng Pilipinas sa Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Disease (IATF-MEID) sa pagpapahintulot na makadalo sa mga religious gathering ang 10-porsyento ng mananampalataya sa kapasidad ng Simbahan sa mga lugar na nasa General Community Quarantine.
Ayon kay Sangguniang Laiko ng Pilipinas President Rouquel Ponte, ang bagong panuntunan ng I-A-T-F ay isang magandang balita para sa mga mananampalataya na mahigit 3-buwan ng hindi makadalo sa mga banal na gawain sa Simbahan bilang pag-iingat sa COVID-19.
Pinayuhan naman ni Ponte ang 90-porsiyento ng mananampalataya na pansamantala munang makibahagi sa online mass ng iba’t-ibang mga parokya.
“That’s a very good development at saka lalo na ang Archdiocese of Manila have advice the parishes na istriktuhan din yung pag-iimplement nitong policy na ito, so it’s a good development. Nagpapatuloy pa rin naman yung online masses for the other 90-percent, so hopefully we will be going back to a little bit of normal and I thank the I-A-T-F” pasasalamat ni Ponte sa panayam sa Radyo Veritas.
Hinikayat naman ni Ponte ang bawat mananampalataya na patuloy na sumunod sa mga safety health protocols na ipinatutupad ng pamahalaan at simbahan sa pakikibahagi sa mga banal na gawain.
Ipinaliwanag ni Ponte na ang pagsunod sa mga panuntunan ay para sa kaligtasan at kapakanan ng lahat.
“Sana sundin natin, napakaganda ng ipinalabas ng Archdiocese of Manila as well as all the other dioceses na mga guidelines. Hindi naman sariling safety natin pati the safety of others. Balance natin na makapagpahayag ng faith through the mass at the same time also keeping others safe as well…”apela ni Ponte.
Ika-5 ng Hulyo nagsagawa ng ‘dry run’ ang ilang mga Simbahan kaugnay sa panibagong panuntunan ng I-A-T-F na opisyal na ipatutupad sa ika-10 ng Hulyo.