517 total views
Kapanalig, suriin naman natin ang iba pang problema ng bansa na kailangan ng ating agarang atensyon. Isa rito, kapanalig, ay ang sanitasyon sa ating bansa. Ang isyung ito ay isa sa mga na de-prioritize ng bayan dahil sa pandemya.
Ayon sa UNICEF, nadiskaril na ang mundo sa layunin nitong magkaroon ng access ang lahat sa sanitation services pagdating ng 2030. Ang layunin na ito ay bahagi ng SDG goal 6: clean water and sanitation.
Ayon sa United Nations, bilyong bilyong tao pa rin ang walang maayos na sanitasyon. Tinatayang dalawa sa limang tao ang walang basic handwashing facility at mga 673 milyong katao pa rin ang walang sariling kasilyas. Sa ating bansa, mga 50.3 milyong Filipino o mga sampung milyong pamilya ang walang access sa maayos na sanitation services. Sa bilang na ito, mga 24 million ang hindi maayos ang kasilyas o di kaya, wala talaga nito. Kadalasan, ang mga taga rural areas ang nakakaranas nito.
Kapanalig, napakahalaga ng pagkakaroon ng basic sanitation services. Ito ang una nating panangga sa mga sakit. Kung pandemya rin lamang ang pag-uusapan, ang pagkakaroon ng mga maayos na hugasan ng kamay pati ng maayos na kasilyas ang dapat nasa unahan ng ating prayoridad.
Kaya’t sana huwag nating kalimutan ito. Marami pa sa ating mga kababayan ang nangangailangan ng tulong sa isyung ito. Sa buong mundo, libo libong bata ang namamatay dahil sa mga sakit bunsod ng kakulangan sa sanitasyon. Ang mga sakit na ito ay maari sanang maiwasan kung mayroon lamang silang tamang pasilidad.
Kapanalig, ang mga epekto ng kawalan ng access sa basic sanitation ay mas dama at pasan ng mga maralita, lalo na ng mga bata at mga babae. Simpleng problema man ito sa ilan, pero kapalit nito ay kalusugan, at minsan buhay pa, ng napakaraming maralitang Filipino.
Pina-aalahanan tayo ng Mater et Magistra na bilang Kristyanong Katoliko, tayo ay dapat manguna sa paglilingkod sa mga nangangailangan, paghanap ng solusyon sa kahirapan, sa paglikha ng mga oportunidad, at sa pagsulong ng panlipunang katarungan. Sa isyung ito, kailangan ng ating aksyon at boses. Maisama sana natin ang maaayos na sanitasyon sa mga prayoridad ng ating bansa.