388 total views
Huwag magsawang lumapit at humingi ng tulong sa Panginoon upang makaahon sa buhay ng malulong sa masamang bisyo.
Ito ang mensahe ni Lucy Leocaldia,55-taong gulang at isa sa mga nabigyan ng bisikleta na magagamit pangkabuhayan sa paggunita ng ika-limang taong anibersaryo ng SANLAKBAY sa Pagbabago ng Buhay.
Matapos ang misa na pinangunahan ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula sa Archdiocesan Shrine of Sto. Nino de Tondo, inilunsad ang Ceremonial Bike-Giving sa may tatlumpung Sanlakbay Rehabilitation Graduates.
Labis ang pasasalamat ni Leocaldia sa natanggap na bisekleta na malaking tulong sa kaniyang pang araw-araw na pagpasok sa trabaho at ng kaniyang anak.
Nagpasalamat rin si Miracle Bernarte, 37, kabilang sa mga Sanlakbay graduate sa biyayang natanggap mula sa programa.
Ayon kay Bernarte, magagamit niya ang bisekleta sa delivery services ng kaniyang ‘Soap Business’ na natutunan mula sa programa sa ilalim ng Sanlakbay Program.
Ayon sa 2021 Report ng United Nations Office on Drugs and Crime (UNODC) sa kabila ng sularanin ng pandemya sa buong mundo ay patuloy parin ang laganap ang ilegal na droga na nakakaapekto sa sektor ng ekonomiya at pagkakaroon ng maayos na trabaho .
Ayon pa sa UNODC nanatili ang Crystal Methamphetamine o mas kilala bilang ‘shabu’ ang tinatangkilik ng mga nalulong sa bisyo sa Pilipinas.
Ang Snlakbay rehabilitation program ay inisyatibo ng Arkidiyosesis ng Maynila katuwang ang ibat-ibang ahensya ng pamahalaaan at pribadong institusyon na nagsimula limang taon na ang nakakalipas.
Ayon kay Fr.Roberto Dela Cruz- priest-in-charge ng Restorative Justice Ministry ng arkidiyosesis, umaabot na sa higit 1,400 katao na nalulong sa illegal na droga ang natulungan buhat ng ilunsad ng arkidiyosesis ang programa.