346 total views
Bukas sa pakikipag-ugnayan ang drug rehabilitation program ng Archdiocese of Manila na Sanlakbay sa bagong administrasyon at mga bagong halal na alkalde sa Metro Manila para maipagpatuloy ang adhikain na mabago ang buhay ng mga drug dependents.
Ito ang tiniyak ni Rev. Fr. Roberto Dela Cruz, Program head ng Sanlakbay na halos 6 na taong nang tumutulong sa mga nalulong at gumagamit ng ipinagbabawal na gamot na gustong magbago.
Ayon kay Fr. Dela Cruz, sa kabila ng epekto ng pandemya ay patuloy na naging matagumpay ang kanilang adhikain na baguhin ang buhay ng mga drug dependents sa spiritual at makataong pamamaraan.
Sinabi ng Pari na nakahanda silang makipagpulong sa bagong administrasyon upang maipagpatuloy ang mga nasimulang programa ng Simbahan Katolika partikular na sa mga nasasakupan ng Arkidiyosesis ng Maynila.
“Ang mahalaga na meron tayong kooperasyon at we should work together. So far wala pa kaming meeting sa bagong administrasyon like example sa mga mayors ng bawat city siyempre yun hawak natin na Manila, Mandaluyong, Pasay, San Juan at Makati, hinihintay pa namin makaupo yun mga bagong mayors natin then after they settle down syempre yung mga anti-drug abuse council magkakaroon ng mga series ng meetings ngayon,” pahayag ni Fr. Dela Cruz sa panayam ng programang Caritas in Action sa Radyo Veritas.
Aminado si Fr. Dela Cruz na magsisilbing panibagong hamon sa kanila ang gagawing pakikipag-ugnayan sa pamahalaan.
Siniguro ni Fr. Dela Cruz na bukas ang tanggapan ng Sanlakbay at ng Caritas Manila para sa mga nagnanais na sumailalim sa kanilang programa at makatulong sa pagbabago.
Magugunitang inulunsad ng Archdiocese of Manila ang programang Sanlakbay sa pagbabagong buhay bilang tugon ng Simbahang Katolika sa suliranin sa mga gumagamit ng ilegal na droga.
Sa datos ng Commission on Human Rights noong taong 2018 tinatayang umabot sa 27 libong indibidwal na ang nasawi dahil sa pinaigting na kampanya ng Administrasyong Duterte laban sa iligal na droga.