2,376 total views
Nanawagan para sa basic needs ang Kura Paroko ng Santa Clara de Asisi Parish sa Santo Tomas, Isabela na patuloy na nag hihirap dahil sa pinsalang idinulot ng bagyong Lawin.
Ayon kay Fr. Bernard Agarpao, bagamat may mga paunang tulong na silang natanggap ay nangangailangan parin ng mga karagdagang pagkain ang kanyang nasasakupan sa parokya.
“Sa kasalukuyan ay basic needs muna kasi sa kasalukuyan taggutom yung mga tao, so una pagkain at kasama na rin siguro kung meron silang maidadagdag yung tubig saka yung pang hygiene nila, gaya ng sabon,” pahayag ng Pari sa Radyo Veritas.
Sinabi rin ni Fr. Agarpao na anumang tulong na maaaring ipagkaloob sa kanila ay lubos nilang ipinagpapasalamat.
Kaya naman hiniling rin nito sa bawat isa na may kakayahang tumulong na magpaabot ng anu man na kanilang maihahandog para sa mga biktima ng bagyong lawin.
“Nananawagan ako na sana sinumang makakatulong dito kahit ano ay pwede nilang ipadala dito pwede na lamang silang kumontak sa aming parokya ni Sta. Clara ng Sto. Tomas para pwede namin silang ma-assist at maipaabot ang kanilang mga gustong ipaabot sa mga mamamayang nangangailangan ngayon dito sa bayan ng Sto. Tomas,” dagdag pa ng Pari.
Ayon sa Department of Social Welfare and Development mahigit 1.2 milyong indibidwal mula sa anim na Rehiyon sa Luzon ang naapektuhan ng kalamidad.
Una nang nakapagpaabot ng P300,000 na tulong ang Archdiocese of Manila, habang P1.6milyon naman ang ibinahagi ng NASSA/Caritas Philippines, at naghatid rin ng 1,000 food packs ang mga Franciscans.