449 total views
Ito ang inihayag ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo-Chairman ng CBCP Episcopal Commission on the Laity sa pagdiriwang ng banal na misa para sa kapistahan ng Santo Niño, sa Santo Niño de Tondo Parish sa Maynila.
Sa kaniyang pagninilay sinabi nito na ang Santo Niño ay si Hesus na sanggol at si Hesus na bata.
Kaugnay dito, sinabi ng Obispo na marapat lamang na pangalagaan at ipagtanggol ang lahat ng mga inosenteng bata at kabataan sa lipunan.
Dagdag pa ng Obispo, ang pananampalatayang katoliko ay marapat din ituring bilang isang batang pinangangalagaan, pinagtatanggol at pinalalaki.
Naniniwala si Bishop Pabillo na ang pananampalatayang katoliko ay lalo pang mapalalalim sa pamamagitan ng salita ng Diyos, pakikiisa sa simbahan at pagtulong sa kapwa.
Sinabi ng Obispo na kung magagawa ang tatlong bagay na ito ay maipagtatanggol at lalo pang maipakakalat ang pananampalatayang katoliko sa ibang tao.
“Ang Santo Niño ay si Hesus na sanggol, si Hesus na bata, anong ginagawa natin sa mga bata, pinagtatanggol natin, ipagtanggol natin ang pananampalataya natin, anong ginagawa natin sa mga bata, pinapalaki natin. Ganun din ang ating pananampalataya palalimin natin sa pamamagitan ng salita ng Diyos ng pakikiisa sa simbahan, ng pagtulong sa kapwa at ang pananampalataya ay palawakin natin at maaabot pa sana ang iba.” Bahagi ng pahayag ni Bishop Pabillo.
Samantala, pormal nang inanunsyo ng Kanyang Kabuyian Manila Abp. Luis Antonio Cardinal Tagle ang pagtatalaga sa Santo Niño de Tondo bilang isang Archdiocesan Shrine na isasagawa sa ikalima ng Pebrero at pangungunahan din ang banal na misa ni Cardinal Tagle.