189 total views
Nagpahayag ng pakikiisa ang kaniyang Kabanalan Francisco sa kalagayan ng Pilipinas, partikular ang kaguluhan sa Marawi.
Ito ang inihayag ni Ozamis Archbishop Martin Jumoad na nagkaroon ng maigsing pagkakataon na makausap ang Santo Papa Francisco kasabay na rin ng pagtanggap niya ng ‘pallium’ sa Vatican.
“So touching when I kiss his hand and I told him that I am from Mindanao in Ozamis. I could see that his face was very much interested to listen more and then he told me, I know that you suffered a lot there. It was a very touching moment because immediately he said, I know you suffered a lot. I know, I know and for that I pray for you and for your people. That is the message that he gave to me,” ang bahagi ng pahayag ni Archbishop Jumoad.
Sa kasalukuyan ay higit na sa isang buwan ang kaguluhan sa Marawi City na base sa ulat ay umaabot na sa 317 na terorista ang napapatay habang may higit pa sa 100 pa ang bilang ng mga armadong grupo ang nanatili sa ibang barangay sa lungsod kung saan patuloy ang labanan.
May 400 libong katao naman ang bilang ng mga nagsilikas na residente dahil sa kaguluhan, habang nanatiling bihag ng Maute group si Fr. Chito Suganob at ilan pang mga sibilyan.
Sinabi naman ng arsobispo na hindi pa maitatakda ang isasagawang pagdiriwang sa Archdiocese of Ozamiz, lalo’t wala pang naitatalagang Papal Nuncio ang Vatican bilang kahalili ni Archbishop Guissepe Pinto na itinalaga sa Croatia matapos ang anim na taon na pananatili sa Pilipinas.
Ang seremonya ay isasagawa na lamang sa kani-kanilang home archdiocese na pangungunahan ng Apostolic Nuncio sa bansa –na sinadya upang marami ang makasaksi sa pagdiriwang.
Ang pallium ay ‘vestment’ na gawa sa puting tela na isinusuot ng Santo Papa at mga arsobispo- na nagpapakita ng awtoridad sa kanilang nasasakupan at simbolo ng pakikipag-isa sa Holy See.
Bukod kay Archbishop Jumoad, kabilang din sa tumanggap ng pallium si Lipa Arcbishop Guilbert Garcera –at 30 iba pa na bagong arsobispo sa iba’t ibang panig ng mundo.
Si Archbishop Jumoad ng Ozamiz ay itinalaga noong November 2016 habang si Archbishop Garcera ay itinalaga naman bilang arsobispo ng Lipa noong Pebrero 2017.