8,215 total views
Pinaalalahanan ng Papa Francisco ang mga kura paroko sa natatanging gawain na maging tagapastol sa bawat binyagan tungo sa iisang misyong ipalaganap ang Mabuting Balita sa sanlibutan.
Sa ginanap na International Meeting “Parish Priests for the Synod” sa Roma kinilala ng santo papa ang malaking gampanin ng mga kura paroko upang itaguyod ang pagiging misyonerong simbahang sinodal lalo’t ito ang nangangasiwa ng mga programang magbubuklod sa nasasakupang kawan.
“As pastors, we are called to accompany in this process the communities that we serve, and at the same time to commit ourselves with prayer, discernment, and apostolic zeal in ensuring that our ministry is suited to the needs of a synodal and missionary Church,” saad ni Pope Francis.
Binigyang diin ni Pope Francis na hindi magiging missionary at synodal ang simbahan kung hindi nagkakaisa ang mga parokya sa iisang misyong tagapagbahagi ng Salita ng Diyos.
Tinuran ng santo papa ang Synthesis Report sa unang bahagi ng XVI Ordinary General Assembly of the Synod of Bishops noong Oktubre kung saan makikitang nagsisimula sa pundasyon ng bawat parokya ang pagtataguyod ng misyon sa buong sambayanan.
Hiling ni Pope Francis sa bawat kura paroko na isabuhay ang natatanging ministerial charism sa higit na paglilingkod; linganin ang kakayahan sa communal discernment; at hinimok na gawing batayan ang diwa ng pagtutulungan at pakikipagkapatiran sa kapwa pari at mga obispo, upang matamo ang minimithing simbahang sama-samang naglalakbay.
“We cannot be authentic fathers unless we are first sons and brothers. And we cannot foster communion and participation in the communities entrusted to our care unless, before all else, we live out those realities among ourselves,” saad ng Santo Papa.
Hinikayat ng punong pastol ang mga kura paroko na magnilay na naayon sa synodal at missionary mindset upang higit na matulungan ang simbahan sa pagpapatuloy ng Synodal process kung saan gaganapin ang ikalawang bahagi ng Synod of Bishops sa October 2024.
Dumalo sa pagtitipon ang humigit kumulang 300 parish priests mula sa iba’t ibang panig ng daigdig kabilang na si Hello Father 911 anchor Fr. Jason Laguerta na kasalukuyang kura paroko ng Sta. Maria Goretti Parish ng Archdiocese of Manila.