1,588 total views
Umaasa ang Santo Papa Francisco na mananaig sa daigdig ang diwa ng kapayapaang hatid ni Hesus.
Sa kanyang Angelus, ikinalulungkot ni Pope Francis ang patuloy na digmaang nararanasan ng iba’t ibang bansa tulad ng Ukraine at Russia na labis ang pinsala sa pamayanan lalo na sa mga inosenteng indibidwal.
Sinabi ng santo papa na nawa’y kaakibat ng pag-asang dulot ng muling pagkabuhay ay mabanaagan ng bawat isa ang kaligtasang dala ng Panginoon sa sanlibutan.
“Unfortunately, in stark contrast to the Easter message, wars continue, and continue to sow death in gruesome forms. Let us grieve for these atrocities and pray for their victims, asking God that the world should no longer live the dismay of violent death at the hands of man, but the wonder of life that he gives and renews with his grace,” ani Pope Francis.
Dalangin ng punong pastol ng simbahang katolika na magkasundo ang Ukraine at Russia tungo sa kapayapaan gayong ipinagdiriwang sa kanilang lugar ang Orthodox Easter.
Iginiit ni Pope Francis na mahalagang magkasundo ang magkabilang panig para matapos na ang digmaan na ikinasawi ng libu-libong katao habang milyon naman ang nagsilikas para sa kaligtasan.
Apela ng santo papa sa mga lider ng bawat bansa na magtulungang itaguyod ang pagbubuklod ng mga nasasakupang mamamayan upang manaig ang kapayapaan sa lipunan.