958 total views
Iginiit ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula na ang santo rosaryo ay isang paraang magpapalago sa buhay pananampalataya ng tao.
Ito ang pagninilay ng Cardinal sa kapistahan ng Mahal na Birhen ng Santo Rosaryo sa Santissimo Rosario Parish sa University of Santo Tomas.
Ipinaliwanag ng Kardinal na pinagninilayan sa banal na rosaryo ang buhay ni Hesus mula sa pagsilang hanggang sa kanyang muling pagkabuhay na sagisag ng katubusan ng tao sa kasalanan.
“The rosary is a school of faith because it contains the contemplation of the life of Jesus through the eyes and heart of Mary,” bahagi ng pagninilay no Cardinal Advincula.
Sinabi ng cardinal na tinuturuan ng Mahal na Birhen ang tao sa pananalangin, pagiging matiyaga at matapat sa buhay panalangin tulad ng mensahe nito sa mga pagpapakita sa Lourdes at Fatima.
Iginiit ni Cardinal Advincula na sa pamamagitan ng santo rosaryo ay mapapalalim ng tao ang ugnayan sa Panginoon at magpapalago sa pananampalataya.
“We need faith because faith encourage us to follow the Lord and to do our mission. By faith, God gives us the courage to face the challenges of mission and without faith we may easily give up when difficulties come our way,” saad ng cardinal.
Binigyang diin ng arsobispo na ang taong may matibay na pananalig sa Diyos ay hindi natitinag sa anumang hamong kakaharapin bagkus ay buong pananalig nitong ipinagkatiwala sa Panginoon ang bawat suliranin.
Una nang ideneklara ng simbahan sa Pilipinas ang buwan ng Oktubre bilang rosary month bilang pagpaparangal sa kapistahan ng Our Lady of the Most Holy Rosary tuwing October 7.
Batay sa Catholic tradition ang banal na rosaryo ay itinatag ng Mahal na Birheng Maria kung saan nagpakita ito kay St. Dominic noong ika – 13 siglo at nagbigay ng rosaryo kasabay ng kahilingang dasalin ang ‘Hail Mary, Our Father at Glory Be’ sa halip na usalin ang salmo o mga awit.
Si St. Dominic ang tagapagtatag ng Order of Preachers o Dominicans at ang orihinal na rosaryo nito ay may 15 decades.