47,844 total views
Mga Kapanalig, ang darating na buwan ng Hunyo ay Philippine Environment Month. Taun-taon, nagsasagawa ang iba’t ibang organisasyon at ahensya ng gobyerno ng mga aktibidad na naglalayong iangat ang awareness o kamalayan ng publiko sa mga environmental issues. Nagkakaroon ng mga pangako ng pagkilos tungo sa pangangalaga sa kalikasan at kapaligiran. Gaya ng iba pang mga observances o pagdiriwang, hinahangad nating hindi magtatapos sa araw o buwan na iyon ang pakialam at pakikialam natin.
Halimbawa nito ay ang patuloy na pagprotekta sa ating biodiversity o “saribuhay” sa Filipino. Ang saribuhay ay binubuo ito ng iba’t ibang uri ng buhay na makikita sa isang lugar—mula sa mga hayop at halaman hanggang sa mga microorganisms. Ayon sa World Wildlife Fund, ang lahat ng organismo ay nagtutulungan sa pagbalanse ng ecosystem at pagsuporta ng buhay. Lahat ng kailangan natin sa kalikasan upang mabuhay katulad ng pagkain, tubig, at bahay ay sinusuportahan ng biodiversity.
Noong ika-22 ng Mayo, ipinagdiwang ang International Day for Biodiversity. Ayon kay Dr. Selva Ramachandran ng United Nations Development Programme Philippines, ang Pilipinas ay isa sa labing-walong megadiverse na bansa sa mundo. Halos kalahati raw ng mga halaman at hayop na matatagpuan sa bansa ay wala saanman sa mundo. Tahanan din ang Pilipinas ng two-thirds ng biodiversity ng buong mundo. Saad pa ni Dr. Ramachandran, ang International Day for Biodiversity ay panawagan upang tuparin natin ang mga pangako hinggil sa proteksyon at conservation ng ating biodiversity.
Maliban sa paghingi sa gobyerno ng konkretong mga aksyon, mahalagang gumagawa rin tayong mga mamamayan ng mga hakbang upang mapataas ang ating kamalayan tungkol sa mga isyung pangkalikasan. Isa sa mga nagbibigay ng accessible na mapagkukunan ng impormasyon ay ang environmentalist na si Celine Murillo. Gamit ang TikTok, nagbabahagi siya ng impormasyong madaling intindihin tungkol sa biodiversity at natural heritage ng ating bansa. Sinabi niya sa isang panayam na hangad niyang makatulong sa paghubog ng lipunang hindi lamang tinitingnan ang kalikasan bilang bagay na sinasamantala kundi nirerespeto at kinamamanghaan. Dagdag pa ng environmentalist, mahalagang napakikinggan ang boses at nabibigyan ng plataporma ang mga katutubo dahil sila ang pinakamahusay na guro sa pangangalaga ng ating biodiversity.
Sa Catholic social teaching na Laudato Si’, sinabi ni Pope Francis na ang pagkawala ng biodiversity ay dulot ng short-sighted na pananaw sa ekonomiya, komersyo, at produksyon. Sa pananaw na ito, tinitingnan ang iba’t ibang uri ng buhay sa kalikasan bilang mapagkukunang yaman na pwedeng samantalahin. Kaso, ang result anito ay ang kinahaharap na natin ngayon na magkakaugnay na krisis sa klima, polusyon, pagkasira ng kapaligiran, at pagkawala ng biodiversity. Sa nangingibabaw na mga balangkas at sistema sa ating lipunan, isinasakripisyo ang kalikasan at kapaligiran sa ngalan ng kayamanan at kapangyarihan. Mababaliktad lamang natin ito kung pagtutulungan natin baguhin ang mga istrukturang humuhubog sa ating lipunan para maging mas mapagmahal at mapagmalasakit ang mga ito, hindi lamang sa ating kapwa-tao kundi pati sa kalikasan at sa kapaligiran.
Mga Kapanalig, tayo ay bahagi ng kalikasan. Gaya ng salita sa Genesis 2:15, inilagay tayo sa mundong ito “upang ito’y pagyamanin at pangalagaan.” Sa darating na Philippine Environment Month, huwag sanang maging panandalian ang pagtupad natin sa tungkuling ito.
Sumainyo ang katotohanan.