18,675 total views
Manindigan sa kasagraduhan ng kasal at pamilya sa kabila ng mga taliwas na opinyon ng iba o ng mas nakararami.
Ito ang panawagan ni Tagbilaran Bishop Alberto Uy kaugnay sa usapin ng pagsasabatas ng diborsyo sa Pilipinas.
Ayon sa Obispo, ang moralidad at paninindigan sa isang usaping panlipunan ay hindi dapat na ibatay sa pananaw ng kapwa sa halip ay sa pansariling paniniwala at pagtanaw sa mga turo at Mabuting Salita ng Diyos.
Paliwanag ni Bishop Uy, ang pagpabor ng mas marami sa isang usapin ay hindi nangangahulugan na ito ang tama at nararapat kaya naman mahalaga ang paninindigan ng bawat isa lalo’t higit ng mga Katoliko upang higit na maibahagi sa mas nakararami ang kasagraduhan ng matrimonyo at ng sinumpaang pangako ng mga nag-iisang dibdib sa harapan ng Diyos.
“SAY NO TO DIVORCE EVEN IF IT HAS THE APPROVAL OF MANY. Morality cannot be measured by numbers. Just because many favor it doesn’t make it right. Remember, more have chosen Barabbas over Christ. Often, doing what is right is difficult and not favored by many.” Pahayag ni Bishop Uy.
Matatandaang ika-22 ng Mayo, 2024 ng ipinasa ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang House Bill 9349 o Absolute Divorce Bill na nagsusulong sa pagsasabatas ng diborsyo sa bansa kung saan 131 mambabatas ng bumuto pabor sa nasabing panukalang batas habang 109 naman ang tumutol at 20 ang nag-abstain.
Sa kasalukuyan tanging ang Pilipinas na lamang ang natatanging bansa sa buong daigdig bukod sa Vatican na walang umiiral na batas na nagpapahintulot ng diborsyo matapos na gawin na ding legal sa bansang Malta ang diborsyo noong taong 2011.