514 total views
Puspusan na ang isinasagawang paghahanda ng pamunuan ng Pandiyosesis na Dambana ng Nuestra Señora Immaculada Concepcion de Salambao o kilala rin bilang Parokya ni San Pascual Baylon para sa taunang Sayaw sa Obando.
Ang Kapistahan ng Tatlong Patron ni San Pascual Baylon, Santa Clara ng Assisi at Mahal na Birhen ng Salambao ay isa sa pinakamatandang kapistahan sa bansa na nakatakda sa ika-17 hanggang ika-19 ng Mayo.
Tema ng kapistahan ngayong taon ang “Tatlong Pintakasi ng Obando: Huwaran ng Kabataang Pilipino” kung saan magsisimula ang nobenario sa tatlong patron sa ika-8 hanggang ika-16 ng Mayo.
Kilala rin ang taunang Sayaw sa Obando dahil sa pambihirang paraan ng mga deboto sa pagpapaabot ng mga panalangin sa Panginoon na ginagawa sa pamamagitan ng pagsasayaw bilang pamimintuho sa pintakasi.
Sa Mayo 17 kay San Pascual Baylon, upang magkaroon ng asawa, anak na lalaki, at bokasyon sa pagpapari o pagmamadre; sa Mayo 18 kay Santa Clara ng Assisi, upang magkaroon ng anak na babae at maginhawang pagbubuntis at panganganak; at sa Mayo 19 sa Mahal na Birhen ng Salambao, sa mabiyayang negosyo at hanap-buhay.
Si San Pascual Baylon ay ang Patron ng mga walang asawa, mga humihingi ng anak na lalaki at ng mga mayroong bokasyon sa pagpapari at pagmamadre.
Si San Pascual Baylon rin ang patron ng Eukaristiya at Eucharistic Congresses.
Samantala, si Santa Clara ng Assisi naman ay siyang Patron ng mga humihiling ng anak na babae at maayos na pagbubuntis at panganganak, siya rin ang patron ng magandang panahon, telebisyon at mass media.
Habang ang Mahal na Birhen ng Salambao naman ay ang Patron ng mga ina, maginhawang hanap-buhay at negosyo partikular na ang may mga kaugnayan sa tubig.