1,436 total views
Umaasa ang Ecumenical youth group na Student Christian Movement of the Philippines (SCMP) na maging daan ang pagiging kasapi ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines -Episcopal Commission on Public Affairs sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) upang maisulong ang ganap na usapang pangkapayapaan sa bansa.
Ayon kay SCMP National Chairperson Kej Andres, mahalagang maisulong ang mapayapang pagtugon sa usapin ng komunistang grupo sa bansa.
Kabilang sa tinukoy ni Andres na patuloy na suliranin na dapat na tugunan sa bansa ang usapin ng lupang agraryo at malawakang kahirapan sa lipunan.
Ipinaliwanag ni Andres na hindi kailanman tugon ang karahasan o militarismo na unang isinusulong ng NTF-ELCAC.
“Vatican II has inculcated us the necessity to look at and act with the ‘signs of the times’. And as it has been proven that the decades-long civil war is rooted in long-standing problems in the Philippine society such as landlessness and massive poverty, we hope that the CBCP, other ecclesiastical institutions, and fellow Christian youth, would continue to advocate for peace negotiations in order to solve the roots of armed conflict, and not through militaristic means that the NTF-ELCAC has long committed.” Ang bahagi ng pahayag ni Andres.
Unang nilinaw ni CBCP President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David na tanging ang CBCP-Episcopal Commission on Public Affairs na pinangungunahan ni Imus Bishop Reynaldo Evangelista na chairman ng komisyon at executive secretary Fr. Jerome Secillano ang magkakaroon ng ugnayan sa NTF-ELCAC at hindi ang buong kalipunan ng Obispo sa bansa.
Pagbabahagi ng Obispo, bahagi ng mandato ng komisyon na isulong ang moral-ethical approach para sa pagtugon sa mga mahahalagang usaping panlipunan sa bansa kabilang na ang suliranin ng ‘insurgency’ o patuloy na pag-iral ng mga komunistang grupo sa bansa.
Ayon kay Bishop David, ang CBCP ay binubuo ng 31 mga komisyon, komite at mga tanggapan na mayroon kani-kanilang mga mandato at tungkulin bilang tagapagsulong sa mga misyon at adbokasiya ng Simbahang Katolika.