1,386 total views
Pinangunahan ni 2nd Lieutenant Father Mario Aliwan ng Military Ordinariate of the Philippines at Office of the Chaplain Service ang pagbabasbas sa mga Armed Forces of the Philippines uniformed personnel na ipapadala sa Turkey at mga kagamitang gagamitin sa search and rescue operation.
Ito ay upang matiyak na gumagana at nasa tamang kondisyon ang mga kagamitang gagamitin sa search and rescue operation na tulong ng Pilipinas sa bansang nasalanta ng 7.8 na magnitude na lindol.
Ayon kay Department of Defense Acting Secretary Carlito Galvez, aabot sa 87-Uniformed Personnel mula sa ibat-ibang hanay ng AFP ang ipapapadala sa Turkey upang isagawa ang humanitarian aid mission.
“We really extend our deepest sympathy to the Turkish Government, we know that the Turkish Government is very kind to us, ang laki ng naitulong nila sa Bangsamorro, ang laki ng naitulong nila sa ating mga humanitarian needs especially sa COVID-19, tumulong din sila mga vaccine atsaka tinatawag natin na very close ally natin ang Turkey,” ayon sa pahayag ni Secretary Galvez.
Inihayag naman ni Health Undersecretary Rosario Vergeire na 31-Department of Health personnel at 16-tonelada ng mga medical supplies at medicines ang ipapadala ng Pilipinas bilang tulong sa Turkey.
Aalis ang mga Humanitarian Aid team ng Pilipinas sa Miyerkules o February 8 ng Gabi.
Batay sa pinakahuling datos ng Republic of Turkey, higit na sa limang libong katao ang nasawi dulot ng lindol sa Turkey at Syria kung saan naranasan rin ang malakas na pagyanig ng lupa.