231 total views
Ito ang paanyaya ng mga lider ng Simbahang Katolika sa sambayanang Pilipino sa pagdiriwang ng Archdiocese of Manila sa “season of creation” simula sa a-uno ng Setyembre hanggang ika-apat ng Oktubre 2016.
Ang unang araw ng Setyembre ay idineklara din ni Pope Francis na “Pandaigdigang araw ng panalangin para sa pangangalaga at pagkalinga sa kalikasan” o World Day of prayer for care of the creation.”
Ipinaalala ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle na ang “season of creation” ay panahon ng pananalangin, pagninilay sa salita ng Diyos, review of lifestyle at paglilinis ng kapaligiran.
“Ang season of creation ay paanyaya po sa ating lahat, suriin ang ating isip, suriin ang ating lifestyle, suriin ang ating mga habits of consumption and spending. Ang kabutihan ba ng sangnilikha ay napagsasaluhan ng nakararami o ang creation ba ay hawak lamang ng iilan samantalang ang higit na nakararami ay walang wala. Iba’t-iba ang lebel ng pagdiriwang, may pananalangin, pagninilay sa salita ng Diyos, merong paglilinis ng kapaligiran.Huwag aabusuhin ang kalikasan, iniisip ang kapwa yan po ay isang malaking bagay para mapangalagaan ang kalikasan,”paliwanag ni Cardinal Tagle sa Radio Veritas.
Ipinaunawa ni Cardinal Tagle na ang “san nilikha” ay regalo ng Diyos na kailangang gamitin ayon sa kanyang panukala.
“Alam niyo po, bahagi ng ating pananampalataya ay ang pagsambit na sumasampalataya ako sa Diyos Amang makapangyarihan sa lahat na may gawa ng langit at lupa. Ang atin pong sannilikha ay hindi basta-basta gamit, ito po ay regalo ng Diyos at kailangang ginagamit ayon sa plano sa panukala ng Diyos, ang Season of Creation,” paglilinaw ni Cardinal Tagle.
Itinuturing naman ni CBCP-Episcopal Commission on the Laity chairman Manila auxiliary Bishop Broderick Pabillo ang “season of creation” ay katangi-tanging panahon para pagnilayan natin ang ating tungkulin sa kalikasan bilang bahagi ng pananampalataya sa Diyos na manlilikha.
Sa panahong ito, hinihikayat ni Bishop Pabillo ang lahat na mas maging pamilyar sa mga issue ng kalikasan at ipagdasal ang mga tao na mas maging responsable sa environment at sikaping pangalagaan ang kaloob ng Diyos na diwa ng “Season of Creation.”
Binigyan diin naman ni San Jose Bishop Roberto Mallari na ang pagdiriwang ay pagbibigay pansin sa kagandahan ng kapaligiran at matanim sa puso ng lahat ang isang malaking responsibilidad na pangalagaan ang kaloob ng Panginoon na tanda ng kanyang pagmamahal at awa sa sanlibutan.
Nilinaw ni Bishop Mallari na napapanahon ding tingnan at kilalanin ng bawat isa ang naging bahagi sa pagkasira ng kalikasan at iwasto ang pagkakamali.
“Sana anuman yung dapat hilumin sa ating kalikasan ay mahilom pa sana natin, sana maibalik, maitayo pa nating muli yung ganda ng kalikasan na ayon sa pagkakalalang ng Diyos.Sana tayo’y maging bahagi dito sa patuloy na paglalalang at pagpapaganda ng Diyos sa ating kalikasan. Sana po itong buwan na ito ng Season of Creation ay maging daan para talaga namang makita natin na tayo’y bahagi ng kalikasan, mga nilalang ng Diyos na this is our common home na dapat nating lahat na pangalagaan at mahalin,” pahayag ni Bishop Mallari.
Iginiit naman ni Cubao Bishop Honesto Ongtioco na ang “season of creation” ay paalala sa lahat na may dakilang lumikha at hindi tayo may-ari kundi katiwala lamang ng kalikasan o creation ng Panginoon.
“We have a creator at tayo po ay hindi may-ari ng kalikasan o creation, tayo po ay katiwala lamang, sana maging mabuting katiwala tayo dahil ang creation ang nagbibigay ng buhay sa atin, harinawa ay maging mabuti tayong katiwala,” dasal ni Bishop Ongtioco.