56,748 total views
Nakakalungkot, ginugunita ng buong Santa Iglesia ang “Season of Creation” o panahon ng paglikha mula a-uno ng Setyembre, kasabay ng “World Day of Prayer of Creation” na magtatapos sa ika-13 ng Oktubre 2024, araw ng National Indigenous Peoples’ Sunday.
Kamakailan lang, nasaksihan at naranasan ng milyong Pilipino ang matinding epekto ng pagsasawalang bahala ng tao sa kalikasan sa pananalasa ng bagyong Butchoy, Carina at Habagat sa 12-rehiyon ng Pilipinas kung saan naitala ng Department of Agriculture at DPWH, National Irrigation Authority ang pinsala sa imprastraktura, agriculture at fishery sa 5-bilyong bilyong piso habang 40-katao ang namatay at mahigit 10-katao naman ang nawawala.
Noong a-uno ng Setyembre 2024 pumasok sa PAR ang bagyong Enteng na nagdulot ng matinding pagbaha sa Bulacan, Laguna, Rizal at Metro Manila kung saan 13-katao ang nasawi.
Kapanalig, huwag na nating hintayin ang panibagong trahedya… huwag tayong magmasid lamang… dumadaing ng tulong ang kalikasan.
Bilang tropical country, laging sinasabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAG-ASA) na 20 o mahigit pang bagyo at sama ng panahon ang tumatama sa bansa na ipinagkikibit balikat lamang ng mga tao lalu ng mga namumuno sa pamahalaan.
Taon-taon paulit-ulit na nangyayari sa bansa ang ganitong trahedya na dapat maging “eye opener” sa lahat ng mamamayan na pangalagaan ang sangnilikha… pero sa halip na protektahan, mismong mga tao ang sumisira kapalit ng sinasabing development at kita. Laganap sa Pilipinas ang mining, illegal logging, quarrying at conversion ng mga agricultural land to commercial at residential.
Sa pagbubukas ng “season of creation”, ipinaalala ni Manila Archbishop Cardinal Jose Advincula na ang isang tagapagtanggol ng kalikasan o mabuting tagapangasiwa ng kalikasan ay nagtataglay ng kabutihang-asal, pag-asa, nakikinig at kumikilos para ikabubuti ng daigdig-ang nag-iisa nating tahanan.
Iginiit ni Cardinal Advincula ang pakikinig sa hinaing ng nagdurusang daigdig dahil sa mga tinamong pinsala mula sa pagmamalabis ng mga tao.
Ipinaalala ng Kardinal na “Kung hindi tayo makikinig, hindi tayo makatutugon. Kung hindi tayo makikinig, baka maging mali ang ating pagtugon. Let us listen to their cries and we will be able to respond properly, appropriately, and in a timely manner,”
Sa encyclical na “Laudato Si” na binubuo ng anim na bahagi o chapters., hinihimok ni Pope Francis ang “Santa Iglesia” na isabubay ang pananampalataya sa pamamagitan ng pangangalaga sa ating nag-iisang tahanan.
Tinukoy sa Laudato Si ang dahilan ng mga environmental problem o nararanasang ecological crisis ng mundo… Ito ay ang “reflective” na paggamit ng teknolohiya, pagmanipula at pag-kontrol sa kalikasan, pananaw na magkahiwalay ang kalikasan sa tao, mababaw na economic theories at moral relativism.
Sumainyo ang katotohanan.