525 total views
Nakasalalay sa tao ang pag-asa upang mapangalagaan ang inang kalikasan.
Ito ang pagninilay ni Columban Father John Leydon sa banal na Misa para sa Walk for Creation 2022 at pagbubukas ng Season of Creation sa Our Lady of Remedies Parish o Malate Church.
Ayon kay Fr. Leydon, chairperson ng Laudato Si’ Movement Pilipinas, makakamit lamang ang pag-asa kung mangingibabaw ang pagmamalasakit sa kabila ng mga krisis at suliraning nangyayari sa kapaligiran.
Inihalimbawa ng pari ang pagtitipon para sa Walk for Creation na pagkakataon upang panibaguhin ang pag-asa at mahikayat ang marami pang mananampalataya para mapangalagaan ang ating nag-iisang tahanan.
“We are gathered to renew our hope in things unseen, and we enter into this period of creation in order to affirm our own selves and our hope. We are here because we do have hope in the face of the pessimistic situation that we are living in,” bahagi ng pagninilay ni Fr. Leydon.
Ito ang unang beses na muling ginanap nang pisikal ang Walk for Creation kung saan sa nakalipas na dalawang taon ng coronavirus pandemic ay isinagawa ito sa pamamagitan ng online.
Dalangin naman ni Fr. Leydon na ang ginanap na pagtitipon ay mapanibago ang pag-asa at mapalalim pa sa puso ng bawat mananampalataya ang pagmamalasakit at pagmamahal sa inang kalikasan.
“My prayer for this gathering, even though we’re small or fairly small in numbers, is that hope will be renewed and deepened in our hearts because that’s the place, the only place where hope can exist,” ayon sa pari.
Ang Walk for Creation ay unang inilunsad noong September 2017 kasabay ng paggunita sa World Day of Prayer for the Care of Creation at pagsisimula ng Season of Creation.
Inisyatibo ito ng Laudato Si’ Movement Pilipinas na kilala dati bilang Global Catholic Climate Movement Pilipinas, at Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – National Laudato Si’ Program.