2,944 total views
Hinimok ng dating obispo ng Diocese of Novaliches ang mamamayan na lingapin at pahalagahan ang mga katutubo sa bansa.
Ayon kay Bishop Antonio Tobias malaki ang tungkuling ginagampanan ng mga katutubo lalo na sa pangangalaga ng kalikasan.
Ito ang mensahe ng obispo sa pagdiriwang ng Indigenous Peoples’ Sunday nitong October 9, ang huling araw ng pagdiriwang ng Season of Creation sa Pilipinas.
“Pahalagahan natin ang mga katutubo, huwag natin sila balewalain at pabayaan sapagkat kapwa natin sila. Kasama dapat ang mga katutubo sa pagsulong at pag-unlad ng ating komunidad,” pahayag ni Bishop Tobias sa Radio Veritas.
Sinabi ng opisyal na katuwang ng pamayanan ang mga katutubo sa pagpapanatili ng magandang kapaligiran na kapaki-pakinabang sa mamamayan.
Umaasa rin si Bishop Tobias na patuloy na isabuhay ng mga katutubo ang kanilang pagkakakilanlan kahit sa mga mauunlad na lugar na mapupuntahan upang mapanatili ang kultura.
“Huwag sana nilang ikahiya at itatatwa ang pagiging katutubo bagkus dapat ipagmalaki,” giit ni Bishop Tobias.
Matatandaang July 1978 sa pagtitipon ng mga obispo sa bansa nang mapagkasunduan na italaga ang Indigenous Peoples’ Sunday tuwing ikalawang Linggo ng Oktubre.
Batay sa tala ng United Nations Development Program tinatayang nasa 14 hanggang 17 milyon ang bilang ng mga katutubo sa Pilipinas na kasapi sa 110 ethno-linguistic groups.
Sa bilang 33-porsyento ay mula sa Northern Luzon kabilang na sa Cordillera Administrative Region; 61 porsyento sa Mindanao habang ilang porsyento naman sa Visayas.
Kasabay ng pagdiriwang sa Linggo ng mga Katutubo ay ang pagtatapos ng pagdiriwang ng simbahan sa Pilipinas ng Season of Creation bilang pagpaparangal sa gawain ng mga katutubo bilang ‘frontliners’ ng kalikasan.