34,495 total views
Nagkaisa ang mga obispo ng Negros Occidental bilang pagsuporta sa programa ng Pamahalaang Panlalawigan sa pagsusulong sa paggamit ng renewable energy.
Sa inilabas na collegial statement, inihayag nina San Carlos Bishop Gerardo Alminaza, Bacolod Bishop Patricio Buzon, at Kabankalan Bishop Louie Galbines na malaki ang maitutulong ng SecuRE Negros Program upang matiyak ang maayos na suplay ng kuryente at paggamit ng malinis na enerhiya sa lalawigan.
Ayon sa mga obispo, kailangan nang matugunan ang lumalalang pinsala sa kalikasan at epekto ng climate change sapagkat labis na itong nakakaapekto sa mamamayan lalo na sa mga mahihirap.
“The earth, our common home, has been entrusted to us by the Creator, and it is our shared responsibility to safeguard its integrity for present and future generations. The SecuRE Program, with its focus on sustainable and renewable energy sources, aligns with our call to care for creation and to live out our faith in action,” pahayag ng mga obispo.
Paliwanag ng mga pastol ng Negros Occidental, ang paglipat sa renewable energy ay hindi lamang para sa kalikasan, kun’di para din sa ikabubuti ng lipunan.
Sa pamamagitan ng pagsuporta sa SecuRE program ay higit na mapagtutuunan ang mga polisiya na naglalayong unahin ang kabutihan ng nakararami, igalang ang dignidad ng tao, at itaguyod ang mas makatarungang lipunan.
Nangako naman ang mga obispo na higit pang paiigtingin sa mga kinasasakupang diyosesis ang kamalayan ng mamamayan hinggil sa kahalagahan ng renewable energy, gayundin ang pagsuporta sa mga inisyatibong may kinalaman sa pangangalaga sa kalikasan at mga polisiyang nagsusulong para sa malinis at ligtas na enerhiya.
“Let us work together in harmony and with resolute purpose to achieve a just energy transition that respects our common home, promotes the well-being of every inhabitant of our province, and bears witness to our faith in a God who calls us to protect and cherish the gift of creation,” panawagan ng mga obispo.
Ilan sa mga renewable energy na maaaring magamit sa Pilipinas ay ang hydropower, geothermal, solar, wind power at biomass resources.
Batay sa 2017 report ng Philippine Electricity Market Corporation, nakatipid ng higit apat na bilyong piso ang bansa mula sa pamumuhunan sa renewable energy.
Sa Laudato Si’ ni Pope Francis, hinikayat ng Santo Papa ang pagpapalawak sa paggamit ng renewable energy upang matugunan ang kakulangan sa kuryente, at palitan ang mga fossil fuels na nagdudulot ng pinsala sa kalikasan.