193 total views
Posibleng talakayin sa susunod na pagpupulong ng Catholic Bishops Conference of the Philippines ang pagkakaroon ng ‘security protocol’ ng mga Pari at Obispo.
Ayon sa padalang mensahe ni Davao Archbishop CBCP President Archbishop Romulo Valles, maaring pag-usapan ng mga Obispo ang paghahanda sa kaligtasan ng mga pari.
Ang susunod na CBCP plenary assembly ay isasagawa sa buwan ng Hulyo.
“That (a security protocol) could be discussed by the bishops,” ayon kay Archbishop Valles.
Inihayag ito ni Archbishop Valles matapos ang magkakasunod na pagpaslang ng mga pari bagama’t tiniyak na rin ng Philippine National Police (PNP) na walang impormasyon silang natatanggap na may grupong ‘pumapatay’ ng mga alagad ng simbahan.
Base sa 2017 Catholic Directory tinatayang may higit sa 10,000 ang bilang ng mga pari sa buong bansa.
Una na ring inihayag ni Archbishop Valles na hindi akma sa mga pari ang pagdadala ng baril na taliwas sa kanilang misyon bilang tagapagpahayag ng salita ng Diyos at kapayapaan.
Samantala, sa Mexico nagpalabas ng ‘Security Protocol’ ang mga Obispo para sa kaligtasan at bantang panganib sa mga pari.
Sa ulat, umaabot na 24 na pari ang naiulat na pinatay simula December 2012.
Giit ni Monterey Bishop Alfonso Guardiola-secretary general ng Episcopal Conference of Mexico, layun ng ‘security protocol’ na pairalin ang pag-iingat katulad na rin ng paglalagay ng alarm at security cameras sa mga parokya at pagbuo security lay personnel tuwing dadalo sa mga pampublikong pagtitipon.