170 total views
Wala pa ring ipinagkaiba ang panawagan ng mga manggagawa noon at ngayon na paghingi nang maayos na trabaho at suweldo.
Ayon kay Bishop Broderick Pabillo-chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on the Laity (CBCP-ECL), nawa ay magkaroon ng tunay na batas na magbibigay ng ‘security of tenure’ sa mga manggagawa.
Giit ng Obispo, paglikha ng mga trabaho sa bansa ang higit na kailangan ng mga manggagawa upang mamuhay ng disente.
“Sana pagtuunang pansin ng mga mambabatas ay ang mga panukala para sa security of tenure ng mga manggagawa. Pagbibigay ng trabaho sa mga tao, na talagang walang trabaho sa atin, so pag-create ng jobs, ang business climate natin na maging maayos para makapagpatayo ng mga factory at makapagtrabaho sila, yung hinihingi nilang national industrialization –na itong ibang produkto ay gawin na lang dito sa halip na gawin sa ibang bansa,” ayon kay Bishop Pabillo.
Nangangamba rin si Bishop Pabillo hinggil sa labor department order 174 na hindi rin pananggalang ng publiko laban sa kontraktualisasyon.
Ayon sa Bureau of Labor and Employment Statistics noong 2012, tatlumpung porsiyento ng kabuang may trabaho sa bansa ay pawang mga contractual o tumatagal lamang ng limang buwan sa kanilang pinaglilingkuran.
Ayon nga kay Pope Francis, isa sa pangunahing karapatan ng isang tao sa lipunan ang pagkakaroon ng marangal na trabaho na may karampatan sahod at benepisyo para sa kanilang paggawa upang maitaguyod ang kanilang pamilya.