202 total views
Malaking kasinungalingan at pagsasayang ng panahon ang kasong isinampa ng PNP-Criminal Investigation and Detection sa piskalya laban sa 36 katao na isinasangkot sa planong pagpapatalsik sa administrasyong Duterte.
Ito ayon kay Kalookan Bishop Pablo Virgilio David-bise presidente ng CBCP na kabilang sa mga kinasuhan ng sedisyon, libel at pagkakanlong sa isang kriminal.
“Yun kasi ang hindi namin maintindihan dahil ang complainant ay PNP-CIDG pero ang batayan ng complaint nila ay testimonya ng isang respondent (Joemel Advincula aka Bikoy) na hindi naman state witness),” ayon kay Bishop David.
Inamin naman ng obispo na ito ang kauna-unahang niyang kasong kriminal na kinakaharap na ang tanging basehan ay ang testimonya ng katulad niyang akusado na si Peter Joemel Advincula alyas Bikoy.
“Nakaka-guilty na ang daming mga tao na kailangan ang abogado, yung iba nabubulok sa bilangguan hindi pa nag-u-undergo ng hearing sa husgado. Can you imagine yung ibang detainees natin… yung what if the time comes na magdecide yung husgado tapos they are found to be innocent tapos ilang taon na sila languishing in jail,” ayon pa kay Bishop David.
Ayon pa kay Bishop David, maraming kaso ang dapat na bigyan ng pansin ng mga abogado sa halip pagsayangan ng oras ang kasong walang katuturan at walang batayan.
Bukod kay Bishop David, kabilang din sa mga kinasuhan ng sedisyon at libel sina Archbishop Socrates Villegas, Bishop-emeritus Teodoro Bacani Jr. at Bishop Honesto Ongtioco.
Umaasa si Bishop David na tuluyan ng ibasura ng DOJ ang kaso na ibinase ng PNP-CIDG sa walang kredibilidad at bayarang testigo na si Bikoy.
“Sana naman pagdating ng September 6 which is going to be the next hearing sa Department of Justice ay talagang mabigyan nila ng resolution para naman huwag magsayang tayo ng panahon sa mga bagay na walang katuturan.”
Nakatakda naman ang susunod na preliminary investigation ng Department of Justice sa ika-6 ng Setyembre.