361 total views
Homiliya para sa 28 ng Hulyo 2022, Huwebes ng ika-17 Linggo ng Karaniwang Panahon, Mat 13:47-53
Kahapon nabanggit ko na kapag hindi mo binasang mabuti ang talinghaga, hindi mo makukuha ang punto. Tulad ng pagbasa natin ngayon. Sa unang basa, akala mo kinukumpara ang kaharian ng Diyos sa isang lambat. Hindi. Inihahalintulad sa kaharian ng Doyos ay ang ginagawa ng mangingisda sa mga nahuhuli ng kanyang lambat. Hindi naman lahat ay iuuwi niya. Pinagbubukod-bukod niya ang mga isda ayon sa klase, laki, o bigat nito. Ang iba ay ibinabalik niya sa tubig. Ang tawag dito sa Ingles ay SORTING OUT. Pero may mas common na salita para dito na hindi na masyadong ginagamit ngayon dahil mas malakas ang negative na connotation o kahulugan nito—ang salitang SEGREGATION.
May historical background kasi ang salitang SEGREGATION, lalo na sa mga bansang bago-bago pa lang nakawala sa kultura ng racial discrimination. Ilang dekada pa lang ang nagdaan mula napawalang bisa sa Estados Unidos ng Amerika ang mga batas at mga patakaran na nagpapalaganap ng racial discrimination. Ganyan din ang patakaran ng apartheid noon sa South Africa. Ngayon nga, parang ibig na namang ibalik ang pananaw na ito sa Amerika, lalo na sa tipo ng pulitikang itinataguyod ng mga White Supremacists. Ang iba ginagamit pa nga ang relihiyon bilang batayan ng hindi-makataong mga patakaran.
Buhay pa nga ang marami sa mga black Americans o tinatawag na “people of color” sa America na nakaranas ng segregation ng mga puti sa itim o may kulay sa mga serbisyong pampubliko: sa toilets, sa bus, sa mga restoran, palengke at mga eskwelahan. Palagay ko nakuha nila ang prinsipyong ito sa paglalaba—kung ayaw mo daw makupasan ang damit sa labahan lalo na ang puti, dapat huwag paghaluin ang puti sa de-color sa washing machine.
Ang layo naman yata ng damit sa tao. Mabuti na lang maagang nakapag-isip-isip ang mga gumawa ng mga ganyang patakaran na kahit ano pa ang kulay ng balat ng tao, pareho lang ang amoy ng dumi nila sa kubeta, at pareho din lang ang kulay ng dugo nila kapag nasugatan. In short pareho lang ang dignidad ng tao. Walang mataas o mababa pagdating sa dangal ng pagkatao sa kabila ng anumang mga pagkakaiba. Kaya mas nasasanay na tayo ngayon sa mga lipunang multi-cultural, multi-ethnic, multi-racial, multi-religious. May paggalang sa plurality at diversity.
Pero sa ating pagbasa ngayon, positive ang kahulugan ng SEGREGATION. Walang ipinag-iba sa pinaka-importanteng prinsipyo sa Ecological Solid Waste Management. Ano nga ba naman ang maiko-compost mo o mairi-recycle mo kung lahat ng basura basta mo lang pinagsama-sama sa iisang lalagyan? Walang malasakit sa kapaligiran ang taong ganyan. Ang isang responsableng mamamayan ay sanay sa segregation of solid wastes—ang pagbubukod-bukod ng mga nabubulok at hindi nabubulok.
Ganyan din daw sa kaharian ng Diyos. Mahalaga daw na ilagay sa tamang lugar ang mga bagay-bagay. Hindi ilalagay ang bagong alak sa lumang balat na sisidlan o lumang alak sa bagong sisidlan. Kung hindi, masasayang lang pareho ang alak at sisidlan. Huwag din daw magsulsi ng lumang tela sa bagong damit. Bukod sa tamang lugar o kalagayan, mahalaga din ang tamang panahon. Di ba nasusulat din ito sa aklat ng Eklesiastes? May tamang panahon daw para sa bawat bagay at karanasan dito sa mundo.
Tamang lugar, tamang panahon, tamang sitwasyon. Ang alagad ng kaharian dapat daw marunong kumilatis, mahusay pumili, mahusay magsaayos, hindi lang sa panlabas kundi pati sa panloob—tinatandaan ang dapat tandaan, kinakalimutan ang dapat kalimutan, marunong kumilala sa tama at mali, hindi pinagsasama ang kasinungalingan at katotohanan, ang disente at kabastusan, ang nararapat at hindi.