266 total views
Inaanyayahan ng Caritas Manila Segunda Mana ang mamamayan ng Antipolo sa gaganaping expo sa lungsod.
Ayon sa Caritas Manila ang social action arm ng Arkidiyosesis ng Maynila ito ang kauna-unahang pagkakataon na magsagawa ng expo ang Segunda Mana sa Antipolo upang mailapit sa mamamayan ang mga produktong maaring mabili sa mababang halaga na gawa ng mga Caritas partners.
Layunin ng mga programa ng Caritas Manila na matulungan ang mga mahihirap sa lipunan na maiangat ang antas ng kanilang pamumuhay at hindi umaasa lamang sa mga tulong.
Pangunahing benepisyaryo ng Segunda Mana ng Caritas Manila ang Youth Servant Leadership and Education Program o YSLEP na tumutulong sa halos 5, 000 estudyante sa buong bansa na walang sapat na kakayahang pinansyal para tustusan ang kanilang pag-aaral sa kolehiyo.
Naniniwala si Fr. Anton Pascual ang Executive Director ng Caritas Manila at pangulo ng Radio Veritas 846 na edukasyon ang susi ng tagumpay ng mamamayan kaya’t mahalagang mapalawak pa ang programa.
“Ang kikitain po rito ay gagamitin natin sa pagpapaaral ng mga kabataan sa kolehiyo at vocational technology,” bahagi ng pahayag ni Fr. Pascual sa Radio Veritas.
Bukod sa pagkamit ng edukasyon layunin din ng Caritas Manila na mahubog ang mga kabataan tungo sa pagiging mabubuting lider ng lipunan na handang kakalinga sa mga mahihirap.
Magbubukas ang Segunda Mana expo sa ikalawa ng Setyembre sa Vista Mall Antipolo ganap na alas-11 ng umaga at tatagal hanggang ika-15 ng Setyembre.
Pangungunahan ni Antipolo Bishop Francis de Leon ang pagbubukas ng expo habang dadalo rin sa pagtitipon ang mga opisyal ng lalawigan sa pangunguna ni Rizal Governor Rebecca Ynares.
Sa kabuuan mayroon nang 34 na outlet ang Segunda Mana ng Caritas Manila kabilang na ang isang charity outlet sa Iloilo habang inaasahan ang pagbubukas ng panibagong outlet sa Cebu sa Oktubre.
Mabibili sa expo ang mga donasyong gamit mula sa mga kilalang kompanya at establisimiyento, kilalang personalidad sa lipunan na nakiisa sa adhikain ng Simbahan na tugunan ang pangangailangan ng mga mahihirap na Filipino lalu na ang kabataang nais makapagtapos sa pag-aaral.