155 total views
Pinarangalan ng Caritas Manila ang 21 Segunda Manians o Ukay-ukay store owners na nagtapos sa ilalim ng value formation seminars at patuloy na tumatangkilik sa Segunda Mana.
Ayon kay Rosana Balicog, isa sa mga Segunda Manians na tumanggap ng pagkilala, malaking tulong ang naihatid ng pagbibenta niya ng mga secondhand items kung saan mula sa wala ay nakapagbukas siya ng dalawang Ukay-ukay Store na siyang bumubuhay ngayon sa kanyang pamilya.
“Nakatulong ang Segunda Mana sa pang-araw araw naming pangangailangan at ang pag-aaral ng mga anak namin. Sa awa ng Diyos, nagkapagbukas na rin kami ng dalawang tindahan dahil sa Caritas,” pahayag ni Balicog.
Ang mga Segunda Manians ang bumibili ng mga sako-sakong Class C items in-kind donations sa Segunda Mana, o ang mga gamit na wala na sa orihinal nitong porma ngunit maaari pang pakinabangan at ibenta sa murang halaga.
Kaugnay nito binigyang-diin ni Segunda Mana Program Manager Barry Camique na pangunahing layunin ng programa ang mabigyan ng kaalaman ang mga mahihirap na pamilya kung paano magsisimula ng negosyo habang inilalapit sila sa Panginoon na siyang itinuturing bilang ‘The Great Provider’.
“Napag-isipan namin na maliban sa sako na binibili nila sa atin at sa mga paninda natin in general, gusto namin silang bigyan ng isang magandang seminar at ito nga yung value formation. Dito ibinabahagi natin sa kanila mula espiritwalidad, livelihood, pakikipagkapwa-tao at tamang paghawak ng pera,” ani Camique.
Sa kabuuan, 40 na ang mga Segunda Manians na nakakumpleto sa value formation seminars kung saan 19 rito ay mula sa Batch 1, 21 sa Batch 2 habang ilulunsad naman sa darating na Setyembre ang ikatlong batch para sa mga nagnanais magsimula ng isang negosyo katuwang ang Caritas Manila.
Ipinapakita ng Segunda Mana ang pagsuporta ng Caritas Manila sa panawagan ng Santo Papa sa pagwawaksi ng kulturang patapon o “throw away culture” habang isinusulong ang environmental advocacy ng simbahan na reduce, reuse at recycle