749 total views
Pagdating sa seguridad at kaayusan, Singapore ang batayan at “goal” ng maraming mga Pilipino. Kinikilala ng buong mundo ang safety ng bansa ito. Ayon nga sa Safe Cities Index ng The Economist, Top 3 ang Singapore sa buong mundo pagdating sa kaligtasan.
Ayon sa report, ang personal security ay esensyal na pundasyon ng lipunan. Ang kapulisan ng naturang bansa ay mayroong highly-trained at highly-equipped na kapulisan. Ang hukom o judiciary rin ng Singapore ay mataas din ang kalidad-malinaw ang batas at transparent ang pagsasa-katuparan nito. Ayon pa sa report – ang mga kawani sa mga ahensyang ito ay hindi kurap.
Ang Pilipinas, kapanalig, nakakalungkot man tanggapin, ay kulelat sa sa Safe Cities Index. Pang 51 tayo sa 60 na bansa. Malayo tayo, kapanalig, sa ating mithiin na maging mala-Singapore na. Paano ba natin ito makakamit?
Isang paraan upang tunay tayong maging ligtas, kapanalig, ay ang pagwawaksi ng korupsyon sa ating lipunan. Ayon nga sa report, ang ugnayan o korelasyon ng korupsyon at ang personal na seguridady ay mataas. Kung ang police force ay corrupt, ang law and order, ayon sa report, “goes down the drain and there is no hope.”
Pero kapanalig, ang personal security ay hindi dapat naka-atang sa balikat lamang ng mga pulis. Ayon sa report, ang personal security ay isang collective effort. Lahat tayo ay may taya dito. Nakita sa pagsusuri na ang pakiramdam o sense of connectedness, shared values, and community ay nagpapadaloy at nagpapalakas ng seguridad ng mga mamamayan. Pinapapalawak nito ang anumang aksyon ng pamahalaan at ginagawang mas makabuluhan ang kahulugan ng seguridad para sa lahat.
Ang collective effort na ito ay maari nating maipakita sa ating mga lipunan. Halimbawa, ngayong panahon ng pandemya, ang granular lockdowns ay isa na sa ating mga panangga laban sa COVID-19. Nasanay tayo na laging bantay ng mga pulis at kapag nagkamali tayo, parusa ang ating makukuha. Minsan pa nga, gaya ng nakita natin sa mga nakaraang ECQ, kamatayan ang kinahahantungan. Pero kung ang mamamayan ay isasa-isip na lahat tayo ay konektado at kapag hindi ligtas ang isa, hindi ligtas ang lahat, malinaw ang ating gagawin sa komunidad. Hindi na natin kailangan pa ang parusa ng mga pulis.
Una, mas maigting na information dissemination ukol sa virus na ito pati ang pagsunod sa mga health protocols. Pangalawa, ang pagtulong sa ligtas na paraan sa mga kabahayan na may COVID 19, gaya ng pag-aabot ng pagkain at gamot, at pagtawag sa LGU upang mabigyan sila ng karampatang assistance.
Kapanalig, kung tayo ay kikilos bilang isang nagkakaisang komunidad, di malayo na tumaas ang ating ranggo sa Safety Index sa darating na panahon. Bilang isang komunidad, kaya natin bantayan ang pamayanan, isiwalat ang korupsyon, at iparinig ang ating mga hinaing at rekomendasyon. Huwag tayong maghiwa-hiwalay para na rin sa ating kaligtasan. Ayon nga sa Solicitudo Rei Socialis- Ang mundong sangay-sangay at hiwa-hiwalay ay mundong hawak ng mga struktura ng kasalanan.