468 total views
Aktibong nakikipagtulungan ang Archdiocese of Nueva Caceres sa local na pamahalaan at Philippine National Police at Hukbong Sandatahan ng Pilipinas upang matiyak ang seguridad ng mga deboto at mga mananampalataya na makikibahagi sa Peñafrancia Festival sa Naga City sa susunod na linggo.
Ayon kay Rev. Fr. Mark Real, Social Action Center director ng arkidiyosesis, puspusan ang pakikipagtulungan ng Simbahan sa puwersa ng pamahalaan upang matiyak ang kaayusan, kaligtasan at pangkabuuang seguridad ng mga dadalo sa taunang tradisyon ng Traslacion at Fluvial Procession ng imahen ng Mahal na Ina ng Peñafrancia.
Inihayag ng Pari na bahagi sa paghahanda sa nakatakdang kapistahan ang Philippine National Police, Armed Forces of the Philippine, Coast Guard, Local Government Units at maging Bureau of Fire Protection.
“Merong coordination ang city government ng Naga at ang Archdiocese of Caceres and yung City government also involves all the other agencies PNP, Army, Coast Guard, mga nasa medical agencies at ang mga ito ay nagkaroon ng iba’t ibang preparation at plano pinagbuo nila sa tinatawag na JOC o Join Operation Center nakasama diyan yung Simbahan at ito ngang iba’t ibang agencies na ito…”pahayag ni Father Real sa panayam sa Radyo Veritas.
Ayon kay Father Real, tinitiyak ng binuong Joint Operation Center para sa kapistahan ang seguridad, kumunikasyon, traffic at contingency plan para sa anumang emergency situation sa kasagsagan ng kapistahan.
Bukod dito, inihayag rin ni Fr. Real ang muling pagpapatupad ng signal jamming kasabay ng malalaking aktibidad bilang pag-iingat sa anumang maaring maging banta sa kaligtasan ng mga deboto ng Nuestra Señora de Peñafrancia.
“When it comes to security prepared naman po lahat pati yung pag-check sa mga CCTV sa mga potential na pwedeng maging threat tapos yung activities yung highlight talaga magkakaroon ng shutdown nung signal, may mga augmentations sa PNP and military personnel…” Dagdag pa ni Fr. Mark Real.
Tema ng kapistahang ngayong taon ang “Doing Christ’s Mission with Youthful Hearts with Mary” na layuning pamalakas pa ang pananampalataya at pagmimisyon ng bawat isa sa Panginoon tulad na lamang ng pananampalataya ng mga kabataan sa paggabay ng Mahal na Birheng Maria.
Taong 2016 tinatayang umabot ng 1.8-milyon ang bilang ng mga debotong nakiisa sa pagdiriwang habang umabot naman sa mahigit 2-milyong ang naitalang mga debotong nakiisa noong nakaraang taon.
Tumatagal ng isang linggo ang Pista ng Our Lady of Peñafrancia na nagsisimula sa ikalawang Biyernes ng Setyembre kung kailan inililipat ang milagrosong imahen ng Nuestra Señora de Peñafrancia mula sa kanyang shrine patungo sa Naga Metropolitan Cathedral sa pamamamagitan ng Translacion o prosesyon.