185 total views
Responsibilidad ng mga bangko sa Pilipinas na siguruhin ang mga transaksyong pinansyal ng publiko laban sa “identity theft.”
Ayon kay Kalookan Bishop Emeritus Deogracias Iniguez, dapat na alamin at kilalanin ng husto ng mga banko sa bansa ang personal na impormasyon ng kanilang mga customer.
Ginawa ng Obispo ang pahayag matapos na magbabala ang Bangko Sentral ng Pilipinas o BSP ukol sa peligrong dulot ng pagkaka – hack at pag – leak ng mga personal na impormasyon ng milyun-milyong rehistradong botante mula sa website ng COMELEC o Commission on Elections.
“Dapat lang naman yun lalong – lalo na it has to do with money yung mga banko and whatever institution dapat lang alamin nila ng husto. Hindi sila dapat na sa pangangalaga ng pera ay nagkakaroon sila ng kaluwagan responsibilidad nila yun,” pahayag ni Bishop Iniguez sa panayam ng Veritas Patrol.
Samantala, naglabas naman ang BSP ng memo sa sakop nilang financial institutions upang ma – protektahan ang publiko sa “identity theft.”
Ayon sa BSP, dapat palakasin ang know-your-customer practices sa mga bangko at dapat hingan din ng karagdagang identification o IDs ang bago at lumang customer.
Pinag – iingat na rin ang publiko sa paglalagay ng kanilang personal na impormasyon sa social media upang maiwasan na mabiktima ng “identity theft.”