173 total views
Kasunod ng pagkakapaslang sa dalawang lider ng Maute ISIS group, tiniyak ng Philippine National Police na patuloy na magiging mahigpit ang seguridad sa Marawi City.
Ayon kay Marawi City Police Chief P/Sr.Supt. Ebra Moxir Al Haj, ito ay upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente at mahadlangan ang posible pang pag-atake ng mga kaalyado ng ISIS Maute at iba pang lokal na terorista kasunod ng pagkamatay nina Isnilon Hapilon at Omar Maute.
“Alam po ng ating tropa ng gobyerno na ‘yan ang susunod na yung mga loyalists at supporters po ng local terrorist ay yun ang babantayan ng ating tropa ng PNP at AFP. Hinimok din namin ang mga sibilyan na tumulong sila sa security at rehabilitation ng ating mahal na Islamic City ng Marawi,” ayon pa kay Moxir.
Dagdag pa ni Moxir, paghahanda naman sa pagbabalik ng mga nagsilikas ang inaasahang susunod na hakbang ng pamahalaan sa sandaling matapos ang may limang buwang digmaan sa lungsod.
“Mag-focus po ngayon dito sa preparations nang pagbalik ng mga IDP’s sa kani-kanilang bahay o community, barangay na hindi apektado. Ito ay converging effort ng ahensya ng gobyerno,” ayon kay Moxir.
Base sa ulat, higit sa 400 libong mga residente ng Marawi City ang lumikas dahil sa digmaan at kasalukuyan nasa 38 evacuation centers habang ang malaking bahagi ay pansamantalang nanuluyan sa kanilang mga kamag-anak.
Sa isang mensahe ni Pope Francis, binigyan diin nito na walang nagwawagi sa digmaan sa halip ito ay nagdudulot ng pagkasira hindi lamang ng buhay kundi ang kabuhayan ng mga residente kung saan may kaguluhan.
Kaya’t giit ng Santo Papa, mahalaga ang pagkakaroon ng ugnayan ng bawat isa sa kabila ng pagkakaiba-iba para makahanap ng tugon sa anumang suliranin.