204 total views
Handang-handa na ang Diocese of Ipil sa Zamboanga, Sibugay sa pagdiriwang ng ordinasyon ni Ilagan Bishop Elect Jose Rapadas sa darating na ika-20 ng Agosto, 2019, araw ng Martes.
Ayon kay Bishop-Elect Rapadas, inaasahang mahigit sa 20 Obispo ang dadalo sa pagtitipon, 200 mga Pari, at si Apostolic Nuncio to the Philippines Abp. Gabriele Giordano Caccia.
Tiniyak naman ng Obispo ang mahigpit na seguridad at mapayapang sitwasyon sa pagdaraos ng pagdiriwang.
“Dito sa Ipil, relatively wala namang problema dito sa peace and order although may mga committee din na yan din ang tinitingnan so handa naman yung aming sa security side ng aming pulis, sa Zamboanga palang may mga sasabay na para make sure na yung ating mga guests, lalo na yung mga VIP na safe sila sa pagparito at pag-uwi.” pahayag ni Bishop Rapadas sa panayam ng Radyo Veritas.
Samantala, bukod sa pisikal na paghahanda sa pagdiriwang, tiniyak din ng Obispo ang kahandaan ng kan’yang kalooban at espirituwalidad.
Ayon kay Bishop Rapadas, dumaan siya sa isang retreat, kung saan mataimtim itong nagnilay, nanalangin at nakipag-usap sa Panginoon bilang paghahanda sa kan’yang pagiging isang pastol.
Aminado si Bishop Rapadas na isang malaking hamon para sa kan’ya ang maging Obispo lalo na ngayong dumaraan sa pagsubok at pag-uusig ang simbahan.
“I’ll be joining the ranks of the Bishops in this time in the Philippines na may experience tayo ng sort of persecution, itong nangyayaring case against some of our Bishops na they are accused of sedition, na actually ang gusto lang naman natin is continue to proclaim the truth and protect the sanctity of life,” pahayag ni Bishop Rapadas.
Ipinaliwanag nito na bagamat tungkulin ng mga pastol na gabayan at ipanalangin ang kanilang mga tupa, ay mahalaga din namang suportahan ng mga mananampalataya ang mga Obispo sa pamamagitan din ng pananalangin.
“Para sa ating mga faithful, I ask specially as I anticipate my ordination, we would like to ask for their prayers, not only for myself but for all our shepherds na kahit na nga yung mga shepherds they have the obligation to lead the flock, there are time na sila din kailangan din yung prayers ng kanilang mga sheep.” Dagdag pa ng Obispo.
Si Bishop Rapadas, 46 na taong gulang, ay hinirang ng Kanyang Kabanalan Francisco bilang bagong Obispo ng Diocese of Iligan noong ika-13 ng Hunyo.
Magkakasunod ang magiging pagdiriwang sa simbahang katolika dahil sa mga hinirang at itatalagang Obispo sa iba’t-ibang diyosesis.
Matapos ang ordinasyon ni Bishop Rapadas, susundan ito ng pagtatalaga kay Bishop Dennis Villarojo sa Diocese of Malolos sa ika-21 ng Agosto, ang ordinasyon naman ni Novaliches Bishop Elect Roberto Gaa sa ika-22 ng buwan ay gaganapin sa Manila Cathedral, at ang pagtatalaga sa kan’ya sa Diocese of Novaliches ay sa ika-24 ng Agosto.