242 total views
Umapela ng tulong sa mga opisyal ng baranggay ang National Capital Region Police Office (NCRPO) upang matiyak ang kaayusan sa pamayanan sa papalapit na Undas.
Ayon kay PNP-NCRPO Director Chief Superintendent Oscar Albayalde, kakailanganin pa rin ng mga pulis ang tulong ng mga Barangay officials upang maiwasan ang mga krimen at pagsasamantala ng ilang mga akyat bahay sa long weekend ngayong Undas, kung saan karamihan ng mga mamamayan ay nagpupunta sa mga sementeryo o di kaya’y umuuwi sa kani-kanilang mga probinsya.
“Nakipag-uusap na din tayo sa mga barangay officials na kung pwede tumulong nga dahil maraming nagti-take advantage dito sa mga kababayan natin na lumuluwas o umaalis ng kani-kanilang mga tahanan for the very long weekend, napakahaba nitong Undas nito at sigurado may mag-titake advantage.” pahayag ni Albayalde sa panayam sa Radio Veritas.
Sa kabila nito, tiniyak naman ni Albayalde ang puspusang paghahanda ng PNP sa papalapit na Undas kung saan inaasahang sisimulang italaga sa ika-28 ng Oktubre ang nasa 7,000 mga pulis partikular na sa iba’t ibang mga bus terminal, pantalan, mga paliparan, Simbahan at nasa 99 na mga sementeryo sa buong Metro Manila.
“Ang start ng deployment ng PNP afternoon ng October 28, so by that time magtatalaga na tayo ng mga police assistance desk sa mga iba’t ibang sementeryo particularly dito sa Manila yung pinakamalaki natin is yung North Cemetery plus yung South Cemetery sa may bandang Makati area so yun yung napag-usapan, and here in Metro Manila we will be deploying around mga 7,000 na mga police for this purpose dun sa preparation deployment natin for Undas…” dagdag pa ni Albayalde.
Bukod dito, inaasahan rin ang pagtatalaga ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng nasa 3,000 – tauhan bilang bahagi ng Oplan Kaluluwa na ipatutupad mula ika-28 ng Oktubre hanggang Nobyembre 2 kung saan inaasahang rin ang tulong mula sa pwersa ng Bureau of Fire Protection (BFP), Armed Forces of the Philippines (AFP), Local Government Units at ilan pang mga volunteers.
Kaugnay nito, umaasa naman ang Simbahang Katolika na isasabuhay ng bawat mamamayan ang layunin ng Undas na paggunita sa mga namayapa sa pamamagitan ng pagbisita sa kanilang mga himlayan at pag-aalay ng panalangin maging para sa ikapapayapa ng mga kaluluwa sa purgatoryo.