232 total views
Hindi patas ang ‘due process’ sa pagitan ng mga hinihinalang drug lords, small time drug pushers at mga pinaghihinalaang lulong sa ipinagbabawal na gamut.
Ito ang reaksyon ni Caloocan Bishop Pablo Virgilio David, vice president ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) kaugnay sa naging resolusyon ng Department of Justice sa pagsasantabi ng kasong isinampa laban kina Cebu-based businessman Peter Lim; self-confessed drug pusher na si Kerwin Espinosa at iba pang drug personalities.
“Due process” seems to work only in a very selective way. The poor who are included in the drug watch list as “drug suspects” and who get killed, are not afforded due process. They cannot afford it.” pahayag ni Bishop David sa Veritas Patrol
Magugunitang paulit-ulit na nananawagan si Bishop David ng ‘due process’ sa pamahalaan sa mga hinihinalang ‘drug addicts at pushers’ kaugnay na rin sa ‘war against drugs’ na nagresulta sa mga pagpaslang.
Nanawagan ang Obispo ng masusing imbestigasyon sa mga kaso ng pagpaslang na sinasabing biktima ng extra judicial killings.
Ang lungsod ng Caloocan ay kabilang sa may pinakamaraming napaslang sa Metro Manila na may kinalaman sa ilegal na droga.
Kabilang na dito ang kaso ng pamamaril sa 17-taong gulang na si Kian Loyd De los Santos at napatay sa isinagawang police operation sa Barangay 160, Caloocan.
Sa tala ng human rights group may higit na sa 13,000 ang napapatay na may kaugnayan sa ilegal na droga kabilang na dito ang higit sa 4,000 napatay sa police operations.
Una na ring sinuspinde ng Philippine National Police (PNP) ang ‘Oplan Tokhang’ subalit muli itong inilunsad Enero 2018.
Noong ika-3 ng Marso 2018, nabaril at napatay ng mga operatiba ng P-N-P ang 18-taong gulang na si Bryan Montawan sa Barangay Pasong Tamo,Quezon City.