203 total views
Magsasagawa ng one-day Seminar ang University of Santo Tomas (UST) Faculty of Canon Law tungkol sa Matrimonial Law.
Ito ay bilang tugon sa Veritatis Gaudium kung saan inaatasan ang mga canonically erected universities ng kanilang tungkulin na tumulong sa mga ministeryo ng simbahan.
Sa pamamagitan din ng seminar ay maipababatid sa mga pari ang nilalaman ng Apostolic Letter ng Kanyang Kabanalan Francisco na Mitis Iudex Dominus Iesus na tumatalakay sa mga kaso ng matrimonial nullity.
Layunin nito na mapalawak ang kaalaman ng mga Parish Priest sa sakaramento ng kasal kabilang na ang patungkol sa mga kasal na maaaring mapawalang bisa.
Umaasa naman ang Matrimonial Tribunal Personnel na magiging epektibong katuwang nito ang mga pari sa pagpapalawak ng kanilang paglilingkod sa mananampalataya partikular na sa mga pamilyang pilipino.
Napapanahon ang pagsasagawa ng pagtitipon na ito, dahil sa pilit na isinusulong na Divorce Bill at SOGIE Bill sa kabila ng pagtutol dito ng 15 senador.
Ang isasagawang seminar tungkol sa Matrimonial Law ay gaganapin sa ika-24 ng Oktubre, araw ng Huwebes mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon sa UST Martyrs’ Hall of the Ecclesiastical Faculties, University of Santo Tomas.
Ito ang magiging unang bahagi ng seminar na inorganisa ng UST Faculty of Canon Law.
Ang lahat ng mga pari ay inaanyayahang dumalo at magparehistro sa Ecclesiastical Faculties office, +63917-7221378 / (02) 731-4066 / [email protected].