25,959 total views
Umapela ng tulong ang pamunuan ng Seminario De Jesus Nazareno sa Diyosesis ng Borongan sa muling pagtatayo at pagsasaayos ng seminary chapel at social hall ng minor seminary na nasunog noong Linggo, ika-28 ng Hulyo, 2024.
Ayon kay Seminary Rector-Principal Rev. Fr. Juderick Paul Calumpiano, ganap na ala-una ng hapon nagsimula ang sunog sa seminary chapel na umabot sa Bp. Reyes Hall, Office of the Rector-Principal, Senior High School classrooms, computer laboratory at dalawang stock room ng seminaryo.
Tiniyak naman ng pamunuan ng Seminario de Jesus Nazareno (SJN) na nasa ligtas na kalagayan ang mga kabataang seminarista kung saan hindi naapektuhan at malayo sa naganap na sunog ang mga dormitoryo at iba pang opisina ng seminaryo.
Para sa mga nais na tumulong sa muling pagtatayo ng nasunog na bahagi ng Seminario de Jesus Nazareno (SJN) ay makipag-ugnayan lamang kina Seminary Rector-Principal Rev. Fr. Juderick Paul L. Calumpiano sa numero bilang 0916-485-8504 o kaya naman ay kay Seminary Oeconomus Rev. Fr. Miel Sedfrey Nebrida sa numero bilang 0917-551-5600.
Dahil sa naganap na sunog sa Seminary Chapel at Social Hall ng Seminario de Jesus Nazareno (SJN) ay ipinagpaliban ang pagsisimula ng klase kung saan itinakda ang simula ng Academic Formation sa Minor Seminary sa ika-12 ng Agosto, 2024.
Sa kasalukuyan may aabot sa 108 ang bilang ng mga Junior High School seminarians ng Seminario de Jesus Nazareno (SJN) na matatagpuan sa Barangay Campesao sa Borongan, Samar.