172 total views
Pinayuhan ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP Episcopal Commission on the Laity ang Senado na ituloy at maging matapang sa pag-imbestiga sa extra-judicial killings sa war on drugs ng administrasyong Duterte.
Hinimok naman ni Bishop Pabillo ang executive branch na iwasan ang paggamit ng dirty tactics upang sirain ang puri ng ibang tao.
Nanindigan ang Obispo na dapat idaan sa tamang imbestigasyon ang lahat ng isyu at huwag gamitin ang media para isapubliko ang bintang na hindi pa napapatunayan o nasiyasat ng mabuti tulad ng mga paratang kay Senator de Lima.
“Ang message ko sa Senate, ipagpatuloy nila yung imbestigasyon at maging matapang kasi ang mga tao naghahanap din ng sagot at sa executive naman nanawagan tayo don’t use dirty tactics, yung sisiraang puri yung mga tao na wala namang proper investigation . Kaya nga e-investigate din sila ng maayos sa halip na ipalalabas sa media na sabi-sabi pa lang di pa yan totoo.”pahayag ni Bishop Pabillo
Iginiit ni Bishop Pabillo na katotohanan ang kailangan ng taumbayan lalu na sa nagaganap na extrajudicial killing dahil ang pagpatay sa tao na walang due process ay mas malubhang imoralidad.
“Alam niyo ang pagpatay ng mga tao na walang due process ay imoral din at mas malaking immorality at ang pagmumura sa publiko ay imoral din. Kung ang driver ay konektado sa drugs ay paimbestigahan niya.
Ayon kay Bishop Pabillo, hindi dapat magamit ng sinuman ang kanyang kapangyarihan upang makapang bully o makapanakit ng ibang tao.
Nilinaw ng Obispo na ang isang demokratikong bansa ay nangangailangan ng oposisyon upang mapatunayan ang tunay na kahalagahan ng pagiging democratic country ng Pilipinas.
Binigyan diin ng Obispo na mahalaga sa kasalukuyan na ang mga isyu at usapin ay idaan sa tamang imbestigasyon upang lumabas ang katotohanan at hindi maging haka-haka lamang.
Mula sa datos ng Philippine National Police, umaabot na sa 700 ang napapatay dahil sa drug buy -bust operations ng administrasyong Duterte.