19,573 total views
Umaasa ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na maging bukas ang isipan ng mga mambabatas sa pagpapatatag ng pamilyang Pilipino.
Ito ang panawagan ni Caritas Philippines President, Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, Chairperson ng CBCP Commission on Social Action Justice and Peace makaraang pumasa sa mababang kapulungan ang House Bill No. 9349 o Absolute Divorce Act nitong May 22.
Ayon kay Bishop Bagaforo, dapat maunawaan ng mga lider ng bansa ang kahalagahan ng isang matibay na pamilya tungo sa pagkakamit ng maunlad na lipunan.
“Sana mabuksan ang isipan ng mga pinuno ng ating bansa na importante at mahalaga ang sacredness of a family, the family is the very fiber of every society kapag sinira yun bagsak ang ating bansa,” pahayag ni Bishop Bagaforo sa Radio Veritas.
Ayon sa panukala,magsilbing batayan ng diborsyo ang pang-aabusong pisikal; moral pressure na dahilan sa pagpapalit ng relihiyon at political affiliation; tangkang paghimok sa petitioner o sa mga anak sa prostitusyon; pagkalulong sa iba’t ibagn uri ng bisyo, kasarian, at pagkakaroon ng bigamous marriage.
Nanindigan naman si Bontoc Lagawe Bishop Valentin Dimoc, chairperson ng CBCP Commission on Indigenous Peoples na dapat mabigyang karampatang proteksyon ang mga pamilya laban sa anumang uri ng pagkawasak.
Iginiit ni Bishop Dimoc na mga pamilya ang munting simbahan kaya’t mahalagang magbalangkas ng mga polisiya at isulong ang mga batas na magpapatatag sa pamilya sa halip na sirain ang pundasyon nito.
“We have to let civil lawyers and canon lawyers have more dialogue so that they will find ways how to really promote and protect the family, because family is the basic unit of our society, the family is the domestic church, we have to protect our families and not just allow divorce to creep in and destroy families, so let us craft laws that are protective the welfare of families,” ani Bishop Dimoc sa panayam ng himpilan.
Sa ginanap na pagdinig ng kamara 131 na mga mambabatas ang pabor sa pagkakaroon ng diborsyo habang 109 lamang ang tumutol at 20 ang nag-abstain.
Patuloy ang paninindigan ng simbahan sa kasagraduhan ng sakramento ng pag-iisang dibdib at panawagan ang mahigpit na pagpapatupad sa mga batas na tumutugon sa domestic volence na kinasasangkutan ng mga mag-asawa.