192 total views
Magiging kinatawan ng Pilipinas sa isasagawang 9th Annual Meeting ng International Catholic Legislators Network (ICLN) sa Roma, Italya si Senator Paulo Benigno ‘Bam’ Aquino IV.
Ang ICLN Freedom Summit ay isasagawa sa ika-22 hanggang ika-26 ng Agosto kung saan inaasahang dadalo si Pope Francis kabilang na ang may 100 mambabatas mula sa iba’t-ibang panig ng mundo.
Inaasahan ni Senator Aquino na kabilang sa mga tatalakayin sa Conference ang Human rights, fake news, authoritarianism at mga suliranin hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa iba pang panig ng mundo.
“Pero sana nga mapag-usapan itong Authoritarianism, Fake news, pagkawala ng respeto sa institusyon iyan naman po ay nangyayari sa buong Mundo. Iba’t iba nga lamang ang levels kung gaano kalala. But I can say that it’s the trend in the whole world. Ang Santo Papa marami na ring beses na nagsalita tungkol diyan,” ayon kay Senator Aquino sa panayam ng programang Veritas Pilipinas.
Ayon pa sa mambabatas; “In fact, if you look at the world today yung Human rights, yung mga kalayaan kanilang pagrespeto sa kanilang pagiging tao yan ay magkakaiba ng levels sa mundo sa US Racism pagtrato sa ibang races. Dito, it’s Really the Killings.”
Hangad din ng mambabatas na matalakay ang sitwasyon ng mahihirap sa Pilipinas, kawalan ng social justice maging ang nararanasang pag-uusig sa pananampalatayang Katoliko.
“Palagay ko po, isang malaking problema ng bansa yung mga mahihirap ang napapahirapan sa panahon ngayon, hindi lamang sa karahasan kundi maging sa Ekonomiya. Kaya dapat ang gobyerno ang dapat bigyang pansin ay ang mga mahihirap sa ating Bansa. May mga Polisiya at mga programa na napapahirapan ang mga mahihirap,” ayon kay Senator Aquino.
Iginiit ni Aquino na mahalagang matalakay sa pagpupulong ang dapat na tugon ng pamahalaan sa mga polisiya na nakakaapekto sa mga mahihirap.
Sa mensahe ng kanyang kabanalan Francisco, patuloy nitong hinihikayat ang mga pinuno ng bawat pamahalaan na isaalang-alang ang kapakanan ng mas nakakaraming mamamayan sa bawat polisiyang ipatutupad.
Tinatayang may higit na sa 1.2 bilyon ang kabuuang populasyon ng mga Katoliko sa buong mundo kung saan ang 40 porsiyento ay mula sa Latin American Countries.